Inilabas na ang ilang screen grab na kuha sa CCTV ng hotel kung saan nag-New Year party ang flight attendant na si Christine Dacera. Ang hepe naman ng National Capitol Regional Police Office (NCRPO) may babala sa mga pinaghahanap na suspek.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita ang 23-anyos na si Dacera na nasa hallway sa labas ng hotel room nila kasama ang ilang lalaki.
Sa isang screenshot na may petsang December 31, 11:38 p.m., makikita na hawak ni Christine ang kaniyang heels at wine glass, at may dalawang lalaki sa labas ng Room 2209.
Sa isa pang screen grab, na may petsang January 1, 3:22 a.m., nakayapak si Christine na kausap ang tatlong lalaki sa labas ng kuwarto. May isang lalaki naman na nakatingin sa kanila.
Ilang segundo pa, makikita naman na may kausap na isang lalaki si Christine, habang papalayo ang dalawang lalaki, at may tatlong iba pa na nakatingin sa kanila sa dulo ng hallway.
Pinag-aaralan na umano ng pulisya ang footage.
Tanghali noong January 1 nakita ang bangkay ni Dacera sa bathtub.
“Hindi po natin masasabi. It could be possible na meron siyang na-take or it could be possible na merong pinainom sa kaniya unwillingly or hindi niya alam,” ayon kay NCRPO Chief Police Brigadier General Vicente Danao Jr.
“Hindi pa natin masabi talaga kasi wala pong nakakita sa aktwal na pangyayari at wala rin pong makapagsabi kung namatay ba siya sa rape or meron bang pinainom sa kanya,” dagdag ng opisyal.
Tatlong suspek ang inaresto at walo pa ang hinahanap.
Payo ni Danao sa mga suspek na hinahanap, magpakita na kung wala naman itinatago.
“If you have nothing to hide, then siguro I would advise you to voluntarily surrender yourselves sa police station. Kung takot po kayong sumurrender, puwede po kayong magpasama sa mga abogado ninyo, puwede rin po kayong pumunta sa simbahan, samahan ng pari. Kasi kung wala naman kayong kasalanan, e bakit kayo magtatago?” payo ni Danao.
Hindi raw dapat hintayin ng mga suspek na lumabas ang warrant at tugisin sila ng mga awtoridad.
“Kasi 'pag lumabas ‘yung warrant of arrest, e baka manlaban kayo. Alam niyo na sa’n kayo pupunta,” babala ni Danao.
Idinagdag ng opisyal na posibleng may pananagutan din ang pamunuan ng hotel kung saan nangyari ang insidente.
“If their room is only good for four, dapat dalawa lang [ang occupants] kasi GCQ (general community quarantine) pa tayo ngayon e. So why did they allow ‘yung gano’n karami? Two rooms, ten people. So it’s already a violation of the IATF rule,” paliwanag niya.
Ayon sa Makati police, kilala umano ni Dacera ang manager ng hotel at kasama pa umano sa party.
Hindi pa naglalabas na opisyal na pahayag ang hotel.—FRJ, GMA New