Bago naging mayor ng Maynila, dumanas din ng hirap sa buhay noon si Isko Moreno na ang dating hanapbuhay ay pangangalakal ng basura sa Tondo. Pagbabalik-tanaw niya, mga nahuhulog na hamon o hotdog sa Divisoria ang kinakain nila para sa Noche Buena.
Sa programang "Tunay Na Buhay," inilahad ni Isko, o Francisco Domagoso sa tunay na buhay, na kargador sa pier ang kaniyang ama, samantalang tagabalat naman ng bawang ang kaniyang ina.
Ipinagtaka raw noon ni Isko kung saan nakukuha ng kaniyang mga kaibigan ang perang ipinanlalaro nila sa cara y cruz at iba pang larong kalye.
"Sila may pera. Sabi ko, 'Saan kumukuha ito ng pera eh magkakasing-edad lang kami?' Sila nakakapaglaro ng ganu'n. Then I realized nagbabasura pala sila," kuwento niya.
Tumutol daw noong una ang ina ni Isko na mangalakal siya ng basura, ngunit pumayag din kalaunan sa kondisyon na hindi siya dapat mag-absent sa eskuwela.
"Ang gusto niya, makatapos ako ng high school. Kalaunan, ako'y lumalaki na, tapos kaya ko nang bumuhat ng sarili kong kariton," patuloy ng alkalde.
Tuwing Pasko naman, umaasa lang din noon ang pamilya ni Isko sa mga nahuhulog na pagkain o paninda sa palengke ng Divisoria.
"Pagka mga [Disyembre] 22 o 23 na, sasabihin ng nanay ko, 'Scott ha, tingnan mo kung may madale ka mamaya na hotdog saka hamon para sa Pasko," anang alkalde.
"Merong isang lugar doon sa Divisoria market, may portion doon ng meat. Kaya lamang, siguro sa dami ng nagtitinda, minsan may mga dumadausdos, nahuhulog na dalawang pirasong hotdog nasasama sa plastic, o kaya 'yung tinatawag na retaso sa hamon... Natsatsambahan ko 'yun," dagdag ni Mayor Isko.
"Kaya lang minsan maasim na. At least hindi mo na kailangan ng suka," biro niya.
NAGBAGO ANG BUHAY
Ngunit walang mag-aakala na madidiskubre si Isko ng isang talent scout na bumisita sa Tondo at nakita sa lamay ng patay.
Mula rito, nagsimula na ang career niya sa showbiz at nakabilang sa Monday group ng "That's Entertainment" ni Kuya German "Germs" Moreno.
Naging matinee idol din si Isko, at nakabilang din sa ilang mature films.
"Kaya lang hinabol ako ng anino na 'yon [bold actor]. Noong tumatakbo na akong Vice Mayor binaboy nila ako. Ginamit 'yung mga picture ko sa mga pelikula. Hindi ko naman ikinaila, as long as hindi ka nakakapamerhuwisyo ng kapwa, okay lang," paliwanag niya.
Ngunit namayani sa kaniya ang kagustuhang maglingkod sa kaniyang mga kababayan kaya pinasok na rin niya ang pulitika.
Una siyang tumakbong konsehal at nanalo, hanggang sa maging bise alkalde, at ngayon ay alkalde na ng Maynila.
"At the time, I just felt so blessed, although hindi naman ako talagang sobrang luwag. But compared to what I have before, it's really quite different. So I just felt na sige nga, why not in return, my blessing?," sabi pa ni Isko na isa sa mga pinakapopular na alkalde ngayon sa bansa. --FRJ, GMA News