Walang pag-aalinlangan na lumusong sa lawa ang isang lalaki para makuha ang kaniyang aso na kinagat at tinangay na sa tubig ng isang buwaya.
Sa viral video na naka-post sa winknews, makikita si Richard Wilbanks, 74-anyos, na sinunggaban mula sa ilalim ng tubig ang maliit na buwaya na kagat ang kaniyang aso na ilang buwan gulang pa lang.
Dinala ni Wilbank ang buwaya sa pampang at pilit nitong ibinuka ang bibig para makawala ang kaniyang alagang aso na si "Gunner."
Kuwento ni Wilbanks, naglalakad sila ni Gunner sa gilid ng lawa sa Lee County nang biglang sumulpot ang buwaya, kinagat ang aso at dinala sa tubig.
Kaagad namang kumilos si Wilbanks na lumusong sa tubig at hindi inalinta kung mayroon pang mas malaking buwaya sa lawa.
Pero maliban sa kabayanihan ni Wilbank, napansin din ng mga nakapanood sa video na nagawa niyang iligtas ang alaga nang hindi niya inaalis ang tabbaco sa kaniyang bibig.
Nakuhanan ng video ang pangyayari sa tulong ng camera na inilagay sa lugar ng Florida Wildlife Federation at fSTOP Foundation.
Tinawag ni Wilbanks ang nangyari sa kanila ni Gunner na isang "learning experience."
Nagtamo ng bahagyan sugat sina Gunner at Wilbanks dahil sa kagat ng buwaya.--FRJ, GMA News