Matapos na makita sa telebisyon bilang biktima ng bagyong "Ulysses," nagwakas na ang 30 taon na pangungulila ng isang 62-anyos na ginang sa Isabela na hinahanap ang kaniyang mga kamag-anak sa Capiz.
Nang manalasa kasi ang bagyo sa Isabela, kasama si Nanay Aida sa mga nakapanayam sa telebisyon bilang biktima ng kalamidad. Pero hindi lang tulong ang kaniyang ipinanawagan kung hindi maging ang paghahanap niya sa kaniyang mga kamag-anak sa Capiz na 30 taon na niyang hindi nakikita at nakakausap.
Umaasa si Aida na makita pa sana niyang muli ang kaniyang mga magulang at mga kapatid, na iniwan niya sa probinsiya nang lumuwas siya noon sa Maynila para magtrabaho.
Noong una, nagkakaroon pa raw siya ng pagkakataon na makausap ang mga kamag-anak noon sa pamamagitan ng long distance call hanggang sa matigil na ito at tuluyan na siyang mawalan ng komunikasyon sa kanila.
Pero papaano naman siya nakarating sa Isabela? Tunghayan ang kuwento ni Nanay Aida at ang nakaaantig na pagkikita nila ng kaniyang ina at mga kapatid. Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News