Tularan natin ang limang matalinong dalaga na walang sinayang na pagkakataon upang maging handa sa anomang mangyayari na hindi inaasahan (Mateo 25:1-13).

Pinagkalooban tayo ng talino ng Panginoong Diyos upang gamitin natin ito--hindi lamang sa ikabubuti ng ating mga sarili kung hindi maging sa ikabubuti ng ating buhay pananampalataya.

Ang ginagawa nating paghahanda ay hindi dapat sa pamamagitan ng pagkakamal ng kayamanang maka-lupa, bagkos ay kayamanang maka-langit na babaunin natin patungo sa Kaharian ng Diyos.

Sapagkat hindi natin masasabi kung kailan darating ang sandali na kailangan na nating isauli ang ating hiram na buhay.

Itinuturo ng Mabuting Balita (Mt. 25:1-13) ang tungkol sa Talinghaga sa kuwento ng Sampung Dalaga na naimbitahan sa kasal pero lima lamang sa kanila ang nakapaghanda.

Nagdala ng ilawan ang 10 dalaga, at lima sa kanila ang nagdala rin ng reserbang langis na gamit para sa ilawan. Habang ang lima ay hindi. Kaya nang maantala nang matagal ang pagdating ng ikakasal, halos mamamatay na ang ilaw ng limang dalawa habang ang lima ay walang problema dahil sa dala nilang ekstrang langis.

Dahil kailangan ang ilaw sa kasalan, naiwan at hindi na pinapasok sa pagtitipon ang limang dalagang nawalan na ng ilaw dahil walang dalang ekstrang langis.

Ipinapaalala nito na kailangan nating maging alerto at matalino gaya ng limang dalaga sa kuwento.  Ang pagiging "matalino" ay pamamagitan ng isang pamumuhay na may malalim na pananampalataya sa Diyos at tumatalima sa itinatakda ng Sampung Utos ng Panginoon.

Ang mga mabubuting bagay na ating gagawin para sa mga taong nangangailangan, naghihirap, nagugutom at inaapi ang mistulang "reserbang langis" na binaon ng limang dalagang matalino sa Ebanghelyo na lalong nagpaningning sa kanilang buhay pananampalataya. Dahil dito ay kaagad silang pinapasok sa kasalan.

Ang buhay ng tao para sa limang dalagang matalino ay tulad din ng lamparang hawak nila. Hindi rin ito magtatagal o hindi "forever," kaya kailangan nila itong ayudahan ng reserbang langis para magpatuloy sa pagningas.

Ang isang pamumuhay na maka-Diyos ay kahalintulad din ng ekstrang langis na lalong magpapatingkad at magpapaningning hindi lamang sa ating buhay pananampalataya kundi magpapatingkad din sa mismong pagkatao natin.

Gaya ng limang matalinong dalaga, hindi natin dapat sayangin ang ating buhay sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay, hindi natin dapat inaaksaya  ang mga pagkakataon na ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos.

Maging matalino tayo sa mga bagay na magpapasigla sa ating pananalig sa Panginoon dahil anomang oras ay maaaring bawiin sa atin ang hiram na buhay.

Huwag tularan ang limang dalagang walang dalang reserbang langis na naging kampante at hindi pinaghandaan ang posibleng mangyari.

AMEN.

--FRJ, GMA News