Sa kaniyang programang "Wowowin-Tutok To Win," nagbabala si Willie Revillame tungkol sa Facebook post na mistulang pinagsabihan niya si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.

Ipinakita ni Kuya Wil ang screenshot ng naturang post na makikita ang kaniyang larawan at may mensahe tungkol sa pagbebenta ng sasakyan para ipangtulong sa mga naghihirap na tao.

Pero paglilinaw ng TV host, wala siyang kinalaman sa naturang post.

"Wala po akong sinasabing ganyan. Kung sinuman [ang gumawa] pinapahanap na namin 'yan sa NBI [National Bureau on Investigation]," sabi ni Kuya Wil.

Kinausap na raw niya ang abogado ni Senador Bong Go at ipinaalam niya na wala siyang binabanggit katulad ng nakasaad sa post.

"Kung sino ka man, pinapahanap ka na namin. Wala kayong ginawa kundi manira ng kapwa n'yo," giit ni Kuya Wil. "Baka magalit sa akin ang pangulo."

Sabi pa ni Kuya Wil, hindi ito ang panahon para gumawa ng mga kalokohan na ikapapahamak ng iba.

Sa post na binabanggit ni Kuya Wil, makikita rin ang logo ng GMA News Public Affairs Digital.

Napag-alaman na ang orihinal na post ay tungkol sa pagbebenta noon ni Kuya Wil ng sasakyan para maibigay bilang donasyon sa Marikina at Montalban.

WATCH: Kuya Wil, nagbenta ng mamahaling kotse para ipangtulong sa mga nasalanta ng bagyo

Pero sa orihinal na post, walang binanggit na pangalan ni Duterte, at kinopya lang ang larawan at sinabi ni Willie.


--FRJ, GMA News