Isang school principal ang umani ng paghanga sa netizens nang mag-viral ang kaniyang larawan na tila isang construction worker na ginagawa ang hagdan at rip-rap sa kaniyang paaralan kahit gabi na sa Buruanga, Aklan.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One Western Visayas" nitong Martes, kinilala ang principal na si Elmer Lumbo, ng Habana Integrated School.
Minamadali raw ni Lumbo ang paggawa sa naturang bahagi ng paaralan dahil mayroon pa siyang mga gawain bilang principal na kailangan din tapusin.
Sa kaniyang Facebook account, nagpasalamat si Lumbo sa mga natanggap na papuri.
Ipinaliwanag niya na ang kaniyang anak ang nag-post ng larawan nang makitang nagtatrabaho pa siya kahit gabi na.
Pinagsabihan daw niya ang anak sa ginawang pag-post ng kaniyang larawan pero ipinaliwanag ng kaniyang anak na katuwalaan lang iyon at nais lang magbigay ng kasiyahan sa kaniyang mga kaibigan.
Hindi raw nila inasahan na papansinin iyon ng netizen.
Gayunman, sinabi ni Lumbo na maliit na bagay lang ang kaniyang ginawa para sa kaniyang paaralan at batid na marami pang katulad niya sa DepEd community na mas higit pa ang ginagawa kumpara sa kaniya.
"I pretty well know that there are plenty of colleagues in the Deped commumity accross the country who did more heroic acts worthy of emulation. Mine was just a 'chunk of a fraction,' saad niya.
Samantala, ipinagmamalaki naman ni Golda Mer Lumbo, ang kasipagan at dedikasyon sa trabaho ng kaniyang ama.
Payo niya sa ibang anak, huwag ikahihiya at dapat ipagmalaki anuman ang trabaho ng kanilang mga magulang. --FRJ, GMA News