Maging ang ating pananalig sa Diyos ay nahaharap din sa "banta" tulad nang nangyari kay Jesus (Lk. 13:31-35).
May kasabihan na ang taong determinado, kahit harangan man ng sibat ay hindi talaga mapipigilan.
Ganito ang karakter na ipinakita ng ating Panginoong Jesus sa Mabuting Balita (Luke 13:31-35) matapos Siyang lapitan at sabihan ng mga Pharisees na umalis na sa Jerusalem dahil gusto Siyang ipapatay ni Herodes.
Subalit hindi natinag at naduwag si Jesus sa banta sa Kaniyang buhay. Bagkos ay buong tapang Niyang sinagot ang mga Pariseo ng: "Sabihin niyo sa lalaking iyon na ngayon at bukas, magpapalayas Ako ng mga demonyo at magpapagaling ng mga tao. At tatapusin Ko ang trabaho Ko sa ikatlong araw".
Hindi naging hadlang ang "death threat" upang itigil ni Kristo ang Kaniyang misyon at tungkuling iniatang sa Kaniya ng Kaniyang Amang nasa Langit.
Tayo man bilang mga Kristiyano at mananampalataya sa Panginoong Jesus ay nahaharap din sa kahalintulad na banta. Ngunit hindi banta sa ating buhay, kundi banta sa ating pananampalataya.
Ang mga bantang ito sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano ay ang mga tukso, iba'it ibang problema na katulad sa pamilya at pinansiyal, at sobrang pagkasilaw sa salapi o mga materyal na bagay.
Ang mga ito ay matinding banta sa ating pananampalataya dahil ito ang numero unong pumapatay sa ating relasyon sa Panginoong Diyos.
Kahanga-hanga ang mga martir at iba pang relihiyoso na nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya sa Diyos.
Pero hindi naman ibig sabihin na kailangan din nating mamatay tulad ng mga martir. Ang dapat lamang nating gawin ay ingatan ang ating pananalig upang hindi manamlay at mamatay ang ating ugnayan sa Panginoon.
Ang pananalangin sa Diyos ang magpapatibay sa ating pananampataya sa mga panahong na nararamdaman natin na lumalamig ang ating pakikitungo sa Panginoon.
Mababasa natin sa Ebanghelyo na hindi kayang awatin at pigilan ni Herodes si Jesus sa ginagawa Nitong pangangaral, panggagamot ng mga may sakit at pagtuturo sa mga tao. Kaya iniisip ni Herodes na kung kamatayan lamang ang maaaring magpatigil kay Kristo sa mga ginagawa Nito ay gagawin niya.
Maging tayo man na nananalig kay Jesus ay nahaharap din sa mga banta para patigilin tayo sa ating pananampalataya sa Diyos. Ang kampon ng kasamaan ay kumakasangkapan ng mga kaakit-akit na bagay bilang pain para manghina ang ating pananalig at tuluyang talikuran ang Panginoon.
Kaya ang paanyaya sa atin ng Ebanghelyo, tulad ni Jesus ay maging matatag din tayo at huwag basta magpadala sa anumang banta na sisira at magpapahina ng ating pananalig sa Diyos.
Alalahanin na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Hindi tayo magagalaw kahit na dulo ng ating daliri, kahit na isang batalyong demonyo pa magbanta sa atin. Tandaan natin na poprotektahan ng Panginoon ang mga taong matibay ang pananalig sa Kaniya.
Manalangin tayo: Panginoon Namin. Palakasin Niyo po ang aming pananampalataya laban sa mga banta upang ito ay manghina at mamatay. Ilayo Niyo po sana kami sa mga tukso at iba pang mabibigat na pagsubok na maaaring makaapekto at magpatamlay sa aming pananampalatay sa Inyo. Amen.
--FRJ, GMA News