Isang K-9 service company sa San Jose, Antipolo City ang nagsasanay ng ilang aso para matukoy ang mga taong positibo sa COVID-19.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News“24 Oras” nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Ryia Tabares ng Universal K-9 Training and Services, na 10 aso ang kanilang sinasanay sa nakalipas na apat na buwan para maamoy ang COVID-19.
Tulad umano ng ibang aso na sinanay sa paghahanap ng bomba o droga, kailangan maging pamilyar din ang mga aso sa amoy ng virus.
“This time sa COVID, i-imprint ‘yong COVID-19 na specimen. Ang ginamit namin na specimen is from COVID-19 patients na nag-positive. Kinuha namin ‘yong face mask nila, ‘yong laway nila and also ‘yong mga damit nila na may pawis nila,” paliwanag ni Tabares.
“So far ‘yon pa lang ‘yong nade-detect namin ‘yong kukunin ‘yong mask nila, ‘yong sweat nila pero later on, ideally ang gusto namin, dadaan lang ‘yong tao, alam na natin kung may COVID-19,” dagdag niya.
Ilan bansa rin tulad ng Finland, Germany, Iran at France ang nagsasagawa ng pagsasanay sa mga aso para magamit sa pagtukoy sa taong positibo sa COVID-19.
Ayon kay Gerry Tabares Jr., ang lokal na pamahalaan ng Antipolo ang unang nakipagtulungan sa kanila para sa subukan ang husay ng mga aso para maghanap ng bagay na may virus.
“Significant ‘yong accuracy nila, 96% — that’s based sa ibang bansa. Kaya kami, with the help of Antipolo government, ‘yon ang gusto naming mangyari na we could gather data para ma-prove din natin ‘yong mga aso natin na maging mataas ang accuracy rate,” pahayag niya.
Sakaling magamit na frontliner ang mga aso sa paghahanap ng COVID-19 possitive, tiwala ang mga may-ari ng aso na hindi mahahawa ang kanilang mga alaga batay sa kanilang pag-aaral.--FRJ, GMA News