Mistulang nakakulong sa katawan at isip na isang siyam na buwang-gulang na sanggol ang 28-anyos na si Sarah, mula sa Donsol, Sorsogon. Ano nga bang kondisyon ang mayroon siya? Alamin.
Sa ulat ni Nico Waje sa "Stand For Truth," sinabing may kondisyon na Congenital Hypothyroidism si Sarah, o kakulangan sa thyroid hormone, at habambuhay na siyang mananatili sa naturang kalagayan.
Dahil sa kaniyang pangangatawan at isip, hindi nakakalakad si Sarah kaya inilalagay siya sa walker ng bata upang hindi laging karga.
May problema rin siya sa lalamunan kaya hirap siyang lumunok. Kaya gatas at lugaw lang ang kaniyang kinakain.
Kuwento ng ina ni Sarah na si aling Merly Isao, isang single mother, kaagad niyang napansin na may kakaiba sa kaniyang anak nang iluwal niya ito dahil sa hindi gumagalaw sa higaan.
Pero dahil sa kawalan ng pinansiyal, hindi niya naipasuri ang anak noong sanggol pa lang.
Walong-taon gulang na umano si Sarah nang madala nila ang anak sa ospital. At sa kakapusan pa rin sa pera, hindi na niya naipagpatuloy ang pagpapasuri kay Sarah sa doktor.
Bagaman tinaningan daw noon ang buhay ng anak na hindi magtatagal, hanggang ngayon ay kapiling pa rin niya ito dahil na rin sa dasal at walang katulad na pag-aalaga.
Panawagan ng kaniyang pamilya, matulungan sila para madugtungan pa ang buhay ni Sarah.
Ano nga ba ang congenital hypothyroidism at malulunasan ba ang kondisyon na ito sa mga sanggol? Panoorin ang buong ulat na sa video na ito ng "SFT." --FRJ, GMA News