Kasabay yata ng paglaganap ng COVID-19 ngayong panahon ng pandemic ang pagkalat din ng tsismis. Pero maaari bang masampahan ng kaso ang mga tsismoso at tsismosa, lalo na kung nakapagbitaw sila ng mga mapanirang-puring salita?
Sa "Kapuso sa Batas" ng GMA News "Unang Hirit," inilahad ni resident lawyer Atty. Gaby Concepcion ang iba't ibang uri ng paninira ng reputasyon ng isang indibidwal, tulad ng pag-aakusa sa tao ng paggawa ng krimen, isang gawain o panlalait sa kaniyang estado o kondisyon.
Ayon kay Atty. Concepcion, maaaring kasuhan ang mga taong gumagawa ng ganitong klase ng paninirang-puri, lalo pa sa panahon ngayon kung saan nabibiktima ng diskriminasyon ang mga nagkaroon ng COVID-19.
Dagdag ni Concepcion, nakasaad din sa Civil Code na dapat respetuhin ang bawat tao, lalo ang kaniyang "peace of mind," "dignity" at "privacy" at magkakaroon ng hiwalay na kaso ang sinumang lumabag dito.
Ang sinomang napatunayang nakagawa ng simple slander ay maaaring makulong ng isang buwan at pagmumultahin ng P20,000. Ngunit kung grave slander, maaaring makulong ng dalawang taon at apat na buwan at multa na P100,000.
Kung sa pamamagitan naman ng sulat ikinalat ang tsismis tulad sa internet, na mas maraming tao ang nakakabasa, libel ang tawag dito at magiging mas mataas pa ang parusa.
Maaari ding maharap sa kasong "intriguing against honor" ang isang tao na nagpasa lang ng tsismis kahit hindi siya ang nagsimula.
Panoorin ang talakayan kung ano ang mga hakbang na maaaring gawin ng isang nabiktima ng tsismis, mapa-salita man o sa internet.--FRJ, GMA News