Dahil inilihim ng inang si Emalyn ang pagbubuntis niya noon kay James Karl, hindi nasubaybayan sa check-up ang sanggol sa sinapupunan. At bagaman normal ang hitsura ng bata nang lumabas, unti-unti namang lumaki ang ulo ng sanggol pagkaraan ng ilang buwan.
Ngayon, mag-a-apat na taong gulang na si James Karl pero tila bilanggo na siya ng higaan dahil hindi na siya basta mabuhat ng ina bunga na rin ng labis na laki ng kaniyang ulo na sanhi ng hydrocephalus.
Payat, may mga sugat at hindi rin nakapagsasalita si James Karl.
Bunga na rin sa kahirapan sa buhay, hindi na rin nagawa ni Emalyn na ipasuri sa duktor ang ulo ng anak noong nagsisimula pa lang lumaki ang ulo ng kaniyang anak.
May pag-asa pa kayang maoperahan si James Karl, at ano nga ba ang hydrocephalus at bakit ito nangyayari sa mga bata? Panoorin ang istoryang ito ng "Brigada."
--FRJ, GMA News