Pangangalakal ng basura ang ikinabubuhay ni Shiela sa Quezon City. Sa gitna ng paghihiwalay niya ng mga basura, may nakita siyang supot na may laman na mga kendi na paborito raw ng kaniyang anak na kaagad namang kinain.
Kuwento ni Shiela, bata pa lang ay natutunan na niya ang naturang uri ng hanapbuhay kung saan kumikita siya ng hanggang P200 sa isang araw--sapat na para makabili sila ng pagkain.
Pinaghihiwalay niya ang mga basura para makuha ang mga puwede pang ibenta o pakinabangan tulad ng plastic, bote, at karton.
Ginagawa niya ito nang walang anumang proteksiyon sa kamay kahit pa ang ilan sa mga basura ay mga facemask at gloves na maaaring may virus lalo na ngayong may pandemic.
Kahit batid niyang delikado, wala raw siyang magagawa dahil kailangan niyang kumita. Diyos na raw ang bahalang umalalay sa kaniya.
Matapos ang ilang oras na paghihiwalay ng mga basura, nakaipon din si Shiela ng halos isang supot ng plastik ng mga produktong puwede nilang makain--na karamihan ay expired na.
Tunghayan sa video na ito ng "Reporter's Notebook" ang kuwento ng buhay ni Shiela at kaniyang mga anak na umaasa sa biyaya ng basura para malamnan ang kumakalam na sikmura. Panoorin.
--FRJ, GMA News