Sapak at sabunot ang natanggap ng isang 15-anyos na estudyante mula sa kaniyang guro matapos siyang tumangging magsuot ng face mask habang nasa klase sa Salerno, Italy.
Sa video ng Italian daily na Corriere della Sera, makikita na kinuwelyuhan pa ng guro ang estudyante.
Ayon sa mga ulat, nakipagtalo pa ang mag-aaral na nagdahilang handa siyang magsuot ng face mask kung hindi talaga maiiwasang magkadikit-dikit silang mga estudyante sa loob ng klase.
Pero ayaw niyang mag-mask dahil malayo naman daw sa kaniya ang kaniyang mga kaklase.
Dahil dito, nagtalo sila ng kaniyang guro, na nauwi sa sakitan.
Iniimbestigahan na ng pulisya at pamunuan ng paaralan ang insidente.
Sa bagong utos ng gobyerno ng Italya, mandatory ang pagsusuot ng face masks sa loob at labas ng mga establisyimento.
Pagmumultahin ng €400 hanggang €1,000 ang mga sinomang lalabag o katumbas ng P22,000 hanggang P58,000. --Jamil Santos/FRJ, GMA News