Hindi naniningil ang Diyos sa mga biyayang ibinibigay Niya. Nais lamang Niyang manalig tayo sa Kaniya (Mt. 21:33-43).
Ano ang magiging pakiramdam mo kapag nakakilala ka ng isang taong walang utang na loob o ingrato? Yun bang taong naalala ka lang kapag may kailangan. At kapag wala naman siyang kailangan sa'yo ay dadaan-daanan ka lang.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mt. 21:33-43) tungkol sa talinghaga sa ubasan at katiwala na inilahad ni Jesus.
Itinuturo ng Ebanghelyo ang kawalan ng utang na loob ng mga nagrenta sa ubasan dahil sa halip na bayaran nila ang kanilang pangungupahan ay nagawa pa nilang patayin isa-isa ang mga tauhan ng may-ari. Maging ang kaisa-isa nitong anak na lalaki ay hindi rin pinaligtas ng mga balasubas na mang-uupa.
Nais ipabatid ng pagbasa na ibinibigay ng Diyos ang lahat ng biyaya at pagpapala sa ating lahat, subalit ano ang ating iginaganti?
Hindi ba't kadalasan ay halos nawawalan tayo ng oras at panahon sa Panginoon. Ang lagi nating ikinakatuwiran ay wala tayong panahon dahil masyado tayong abala sa maraming bagay... sa negosyo, sa trabaho, pagpapa-ganda, at kung anu-ano pa.
Tulad ng mga mangungupahan sa ubasan, hindi rin tayo marunong sumukli sa mga ibinibigay sa atin ng Diyos. Pero hindi ito sa paraan ng pera o materyal na bagay kung hindi ang ating atensiyon, panahon o oras.
Hindi katulad sa kuwento na naniningil ng bayad sa renta, ang nais sa atin ng Panginoong Diyos ay ang ating panahon at oras para manampalataya at magbalik-loob sa kaniya.
Ang Diyos ay hindi humihingi ng salapi bilang abuloy at kontribusyon sa mga simbahan, kung hindi ang ating buong pusong pananalig sa kaniya. Dahil ito rin ay para sa ating kabutihan, upang makapiling natin Siya sa Kaniyang Kaharian pagdating ng araw.
Pero hindi natin ito magawa dahil masyadong nakatuon ang ating atensiyon sa maraming bagay. Subsob at sobra ang pagiging abala natin sa buhay at madalas sa mga materyal na bagay tulad ng salapi at ari-arian na sumisira sa ating relasyon sa Panginoon.
Hindi masama ang maging mayaman, ang masama ay ang mawalan tayo ng panahon at oras sa Diyos lalong lalo na ang ipagpalit natin Siya sa kayamanan; ang kayaman ang ginagawa nating diyos at nagpapaalipin dito.
Ang hinihingi lamang ng Panginoon mula sa atin ay ang magbalik loob tayo sa Kaniya.
May ilan naman ang nabiyayaan ng talino subalit sa halip na ito ay kanilang ipagpasalamat ay nagawa pa nilang kalabanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkuwestiyon sa kaniyang pagka-Diyos--kung Siya ba ay totoo o kathang-isip lamang ng tao.
Sapagkat ang relasyon natin sa Diyos ay dapat "give and take." Ang Panginoon ay marunong magbigay, kaya dapat din na marunong tayong magbalik.
Sapagkat mas ibibigay Niya ang Kaniyang biyaya sa mga taong totoong nananampalataya sa Kaniya at marunong tumanaw ng utang na loob.
PANALANGIN: Panginoon, patawarin mo Ninyo kami sa aming mga pagkakasala at pagkukulang. Kaawaan po Ninyo kami kung nakakalimutan naming magpasalamat sa mga biyayang Inyong ibinibigay. Habaan po sana Ninyo ang pang-unawa sa amin. At patuloy po sana Ninyo kaming pagkalooban ng Inyong biyaya.
Amen.
--FRJ, GMA News