Viral sa social media ang video ng ginawang pagsita ni EDSA Traffic Chief Bong Nebrija sa mag-inang nakamotorsiklo dahil sa suot na helmet ng ginang. Alamin ang ginawa ng opisyal na umani ng paghanga sa mga netizen.
Sa video na ini-upload ng Gadget Addict sa Facebook, sinita ang mag-ina dahil hindi tamang helmet ang suot ng ginang na nakaangkas sa kaniyang anak na babaeng rider.
Ayon sa post, P1,500 ang multa sa pagsusuot ng substandard o hindi tamang helmet.
Paliwanag naman ng anak ng ginang, wala na silang helmet kaya nanghiram na lang sila. Pero ang helmet na kanilang nahiram, hindi para sa pagmomotorsiklo.
Inihayag din ng anak na natanggal siya sa trabaho at pupunta sila ng kaniyang ina sa Department of Social Welfare and Development para humingi ng medical assistance para sa kaniyang ina.
Tila naunawaan naman ni Nebrija ang sitwasyon ng mag-ina kaya hindi niya pina-isyuhan ng tiket ang mag-ina. Pero may iba pa siyang ginawa na ikinatuwa ng mga nakapanood sa video. Panoorin.-- FRJ, GMA News