Natukoy na ang pagkakakilanlan kung sino ang pugot na ulo na nakalagay sa ice box at iniwan sa kalye sa Maynila. Ang mga suspek sa krimen, nakitang sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nahagip sa CCTV ang pagdating ng riding in tandem na may bitbit na ice box sa Florentino Torres Street sa Santa Cruz bago mag-12  ng hatinggabi.

Inilapag sa kalye ng nakaangkas ang ice box at sadya pang itinagilid ang kahon para sadyang makita ang ulo ng biktima na isang reservist ng Philippine Navy at traffic aide na si Oliver Ignacio, taga-Navotas.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima sa tulong ng kaniyang pinsan.

"Pagbukas niya ng styro gumulong 'yung ulo... Napatakbo ako," sabi ng saksing si Richard, hindi niya tunay na pangalan.

Sinabi ni Navotas Mayor Tobby Tiangco na traffic aide nila ang biktima, na dinukot ng alas singko ng hapon ng mga nakasakay sa itim na SUV.

Inilahad ng mga saksi na tatlong sakay ng SUV ang bumaba saka isinakay si Ignacio.

Natagpuan ang ulo ni Ignacio pagkaraan ng anim na oras sa Barangay 305.

Ang lugar kung saan iniwan ang ulo ni Ignacio, ang lugar din kung saan nabaril at napatay si Police Executive Master Sergeant Roel Candido, noong nakaraang buwan.

Sa kuha ng CCTV nang mangyari ang pamamaril kay Candido, mga nakaunipormeng pulis ang bumaril sa biktima.

Gayunman, sa isang panayam ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na wala pang katibayan na mag-uugnay sa dalawang krimen.--Jamil Santos/FRJ, GMA News