Kung nais nating maging dakila, kailangan nating tularan ang katangian ng isang bata (Lk. 9:46-50).
Ano ba ang pamantayan natin para matawag ang isang tao na dakila? At paano nga ba maging isang dakila?
Sa pamantayan ng tao, para maging maging dakila ay dapat may natatanging nagawa, nakahihigit sa pangkaraniwan, angat kaysa iba at napakahusay.
Ngunit karamihan sa mga katangiang ito ay panlabas at pisikal na aspeto ng isang tao.
Ang basehan kasi natin para matawag na dakila ang isang tao ay kung ano lang ang nakikita ng ating mga mata. Hindi kasi natin tinitingnan ang nasa kalooban ng puso, kung mabait ba siya at mapagkumbaba.
Paano kung ang isang sikat at hinahangaan ay hindi naman busilak ng kalooban? Maituturing pa rin ba siyang dakila?
Sa Mabuting Balita (Luke 9:46-50), sinabing ang pagiging dakila sa mata ng ating Panginoon ay iyong marunong magpakumbaba.
Sa ating Pagbasa, napansin kasi ni Jesus na nagtatalo ang kaniyang mga Disipulo kung sino sa kanila ang pinakadakila. Mistulang nagbibidahan ang kaniyang mga alagad kung sino sa kanila ang higit na magaling.
Kaya't para matigil ang bidahan ng Kaniyang mga Disipulo, tinawag ni Jesus ang isang bata at pinatayo sa tabi niya. Isang bata ang ginawang ehemplo ng Panginoon para matawag na dakila.
Nais ipahiwatig ni Jesus sa kaniyang mga Disipulo na kung nais nilang maging dakila ay kailangan nilang tularan ang batang nasa harapan Niya.
Nais Niyang tularan ng mga Disipulo ang katangian ng isang bata, ang magkaroon ng malinis na puso kagaya ng isang bata. Sapagkat ang isang bata ay mayroong malinis puso ay masunurin, magalang, hindi sinungaling, madasalin, may kababaan ng loob at nagmamahal sa Diyos.
Itinuturo ng Ebanghelyo na ang pagiging dakila para sa Diyos ay hindi nakasentro sa panlabas na aspeto ng tao kundi sa kung ano ang nilalaman ng kaniyang puso at pagiging mapagpakumbaba.
Sapagkat kahit anong tanyag ng isang tao ngunit hambog at hindi marunong magpapakumbaba, magiging dukha ka pa rin siya sa paningin ng Panginoon.
Manalangin tayo: Panginoon, tulungan po Ninyo kami na matutunan namin kung paanong magpakumbaba. Tulungan po Ninyo kaming matularan ang katangian ng isang bata. Huwag po Ninyo kaming hayaan na malunod sa sarili namin kapalaluan, at sa halip maging matulungin po sana kami sa aming kapwa.
AMEN.
--FRJ, GMA News