Sumabak sa pagba-vlog ang half-Pinoy at half-Pakistani na si Mohammad Qasam "Sam" Pervaiz sa pag-asang ito ang magiging daan para mahanap niya ang kaniyang ama na 20 taon na niyang hindi nakikita. At hindi siya nabigo.
"Naisip ko po kasi na one day or one time umabot sa kaniya 'yung ginagawa kong mga video. 'Yun po, hinahanap ko siya. Mahirap po lumaki na walang tatay. Si mama lang ang nagsisilbing nanay at tatay ko," kuwento ng 20-anyos na si Sam sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Ayon sa nanay ni Sam na si Josephine Joson, nakilala niya ang ama ni Sam na si Mohammad Pervaiz noon sa Hong Kong.
Nagbunga ang kanilang pagmamahalan, at nagnegosyo sila ng negosyo sa Cabanatuan.
Pero sa kasamaang palad, tumalbog sa bangko ang ibinigay sa kanilang tseke ng isa nilang katransaksyon. Si Mohammad ang naipit at ipina-blacklist sa immigration at hindi na nakabalik pa ng Pilipinas.
Mula noon, mag-isang itinaguyod ni Josephine ang baby pa lang noon na si Sam.
"Kung sino magpapaplantsa, magpapalaba o magpapalinis, magpapagamot, pinasok ko pong lahat 'yan mapalaki ko lang po 'yung anak ko," naiiyak na kuwento ni Josephine.
Upang mas marami ang makapansin sa mga video ni Sam, nagpapatulong siya sa iba pang vlogger na maraming followers.
Hanggang sa isang araw, may nagtanong kay Sam kung may lahi ba siyang Pakistani at doon na nagsimulang mabuhayan ng pag-asa ang binata na makita ang kaniyang ama.
Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang nakaaantig na pagkikita nina Sam at kaniyang ama sa unang pagkakataon sa video call.
Pero ano kaya ang magiging reaksyon ni nanay Josephine kapag nalaman niyang mayroon nang bagong pamilya si Mohammad? Panoorin. --FRJ, GMA News