Ang tunay na nagsisisi sa kaniyang kasalanan ay makikita sa kaniyang mga gawa at hindi sa salita lamang.
Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Luke 7:36-50) na ating mababasa ngayong araw. Tungkol ito sa isang babaeng nagpakita ng labis na pagsisisi sa kaniyang mga kasalanan.
Ito ay sa pamamagitan ng kaniyang mga ikinilos sa harapan ng Panginoong Jesus.
Mababasa natin sa kuwento na isang babae ang nagpunta sa bahay ng isang Pharisee nang mabalitaan niyang naroon si Jesus matapos siyang imbitahan ng nasabing Pariseo.
Ipinakita ng babae ang sobrang pagsisisi sa kaniyang mga kasalanan. Lumapit siya kay Jesus na umiiyak, nabasa ng kaniyang mga luha ang mga paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan niya ito ng kaniyang buhok, hinalikan at saka binuhusan ng pabango.
Ang ikinilos ng babaeng makasalanan ay maliwanag na indikasyon na sobra niyang pagsisisi sa mga nagawa niyang pagkakamali. Makikita sa kaniyang mga ikinilos na tapat at tunay ang kaniyang pagsisisi. Hindi pakitang-tao lamang.
Ganito naman talaga ang nais na masilayan sa atin ng Panginoon. Nais Niyang makita sa ating mga gawa na tayo ay sinsero sa ating pagsisisi sa ating mga kasalanan, katulad nang ipinamalas ng babae sa kuwento.
Marami sa atin ang nagpapahayag na nagsisisi sa mga nagawang kasalanan at mangangakong hindi na muling gagawin. Pero nawawalan lang ng saysay dahil paulit-ulit din naman nating ginagawa ang kasalanan.
Para saan pa ang pagluha kung muli rin naman tayong gagawa ng mga bagay na hindi kanais-nais sa paningin ng Panginoon? Walang saysay ang ganoong uri ng pagsisisi.
Sa mata ng Panginoon, hindi niya tinitingnan kung malaki o maliit ang ating mga kasalanan. Ang mahalaga ay sinsero tayo sa paghingi ng kapatawaran at tutuparin ang pangakong hindi na muling magkakasala.
Itinuturo pa ng Ebanghelyo na kung ang ating pagsisisi ay walang kasamang pag-ibig gaya ng ipinakita ng babaeng makasalanan, lalabas na mababaw lamang ang ating pagsisisi. Sapagkat kung talagang nagmumula sa ating puso ang pagsisisi, labis nating mamahalin ang taong nagpatawad sa atin.
Tulad ng ating Panginoong Diyos, kahit gaano karami at kalaki ang ating mga kasalanan, nakahanda Siyang magpatawad anumang sandali.
Nais ituro sa atin ng pagbasa na ibig makita ng Diyos ang sinseridad sa ating pagsisisi na nagmumula sa ating puso, nakikita sa ating mga gawa, at hindi lang dapat sa salita.
Panalangin: Panginoon, tulungan po ninyo kaming magbago upang maging katanggap-tanggap sa kalooban Mo. Patawarin po Ninyo kami sa aming mga pagkakamali, at gawin matatag upang mapaglabanan ang mga tukso sa paggawa ng kasalanan. Amen.
--FRJ, GMA News