Parang istorya sa pelikula o teleserye ang kuwento ng mag-textmate na sina Jovic at Meriam. Dahil natuklasan nilang pareho silang ipinaampon, naging magaang ang loob nila sa isa't isa. Pero may iba pa palang dahilan sa likod nito--ang pagiging magkapatid pala nila sa ina.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jovic na nanghula lang siya ng cellphone number para maghanap ng makaka-textmate.
Laking tuwa ni Jovic nang sumagot ang may-ari ng numero na kaniyang hinulaan na lumitaw na si Meriam, at katulad niyang taga-Bago City sa Negros Occidental.
Dahil naging magaang ang loob ni Jovic kay Meriam, ibinahagi niya ang kaniyang buhay sa dalaga hanggang sa pareho silang mag-aminan na pareho silang ipinaampon noong bata pa sila.
Si Meriam, iniwan ng kaniyang ina sa kanilang kaanak na matandang dalaga. Gayunman, nanatili silang may komunikasyon ng kaniyang ina.
Habang si Jovic, lumaki sa isang malayong kamag-anak nila pero wala na siyang naging balita tungkol sa kaniyang ina.
Nang magtapat si Jovic si Meriam na gusto na niyang manligaw, sinabi ng dalaga na kailangan muna niyang makita ang binata. At nang mapag-usapan na nila ang tungkol sa kanilang apelido na magkapareho, doon na rin nila napag-usapan ang kani-kanilang tunay ina--na lumitaw na iisa lang.
Tunghayan sa video ang tila pagbibiro ng tadhana kina Jovic at Meriam, at naging daan kay Jovic hindi lang para makilala ang kaniyang kapatid na si Meriam, kung hindi ang makita ring muli ang kaniyang ina. Panoorin ang nakaaantig nilang pag-uusap sa video na ito.
--FRJ, GMA News