Bukod sa nakatulong, natutuwa si nurse Lorrainne Pingol na kahit papaano ay napataas niya ang morale ng mga kasamahan niya sa propesyon bilang mga health worker sa ginawa niyang pagtulong sa isang ginang na nanganganak sa gilid lang ng kalsada.

Marami nga ang humanga at umani ng mga papuri sa social media si Pingol nang mag-viral ang ginawa niya pagtulong sa isang ginang sa Makati City nitong Martes ng umaga. 

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Pingol na "late" na siya sa pagpasok sa trabaho nang tawagin siya ng mga tanod ng Barangay Bangkal.

"Nagulat ako bakit ako tinawag. Lumapit po ako and then paglapit ko nakita ko po 'yung ale nanganganak sa gilid ng kalsada. 'Yung umbilical cord hindi pa siya nakaputol, hindi pa naka-clamp. Bale ang naging participation ko po kahapon doon ay nilabas ko lang naman 'yung inunan ng nanay tsaka ko pinutol 'yung umbilical cord tsaka ko po cinlamp," ani Pingol.

Siyam na taon na raw ang nakalilipas nang huli siyang tumulong sa pagpapanganak sa ospital.

"May konting kaba kasi first time ulit pero inalala ko lang 'yung natutunan ko noong college tsaka 'yung naranasan ko sa delivery room sa ospital way back years ago," patuloy niya.

Sinabi ni Pingol na mahalagang maalis ang inunan sa sinapupunan ng ginang dahil maaaring mamatay ang ina kung hindi siya maaagapan at magpatuloy ang pagdurugo.

"Puwedeng ikamatay ng mother 'yon kaya kailangang mailabas mo 'yung inunan and then make sure walang maiiwan sa loob. Minsan kasi may naiiwang laman so kailangang walang maiiwan talaga para hindi mag-cause ng bleeding," sabi ni Pingol.

"Sinadya siguro ng Panginoon 'yun na mapadaan ako ng oras na 'yun para tumulong doon sa ale," dagdag pa niya.

Sa likod nito, napag-alaman na minsan na minsan na rin nangailangan noon ng tulong si Pingol at hindi naman siya nabigo nang ma-diagnose siyang may leukemia noong 2013 kaya natigil siya sa pagtatrabaho sa ospital.

Company nurse na ngayon si Pingol sa isang health insurance company.

"Pagka-grad ng 21, nagkasakit ako noong 23 ng leukemia. So siyempre considering na meron akong leukemia as compared to normal people na walang sakit, 'yung immune system ko is immuno-compromised... yet I chose na 'wag na lang i-pursue 'yung pagtatrabaho sa ospital para hindi ako masyadong exposed sa infections," kuwento niya.

Hindi raw malilimutan ni Pingol ang mga tao na tumulong sa kaniya noong siya ang nangangailangan ng tulong.

"Noong time na na-diagnosed ako, maraming tumulong sa akin kaya that's one reason na rin kung bakit bukas palad din akong tumutulong pagka may nangangailangan, as long as kaya ko, as long as may kakayanan," sabi ni Pingol.

Masaya si Pingol na marami ang natuwa sa kaniyang ginawang pagtulong sa ginang.

"Natutuwa po ako, tumataba ang puso ko, tsaka nag-serve ako as inspiration sa mga tao tsaka siyempre na-uplift ko rin 'yung morale ng kapwa ko nurses and other medical frontliners sa panahon ngayon ng pandemic," pahayag niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News