Isang senador ang nagmungkahi na amyendahan ang batas upang payagan ang parusang pagputol sa daliri ng mga opisyal na mapapatunayang nagnanakaw sa pondo ng bayan.
Ginawa ni Senador Christopher Lawrence "Bong" Go ang mungkahi sa pagdinig ng Senado nitong Martes, sa pagpapatuloy ng pagdinig tungkol sa umano'y nangyaring pagwawaldas sa pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
"Sana po baka puwede nating amyendahan 'yung batas, nabanggit ko kanina out of frustration, baka puwedeng bawat mahuli ay putulan ng isang daliri kung maaari para matapos na rin itong kalbaryo ng PhilHealth," sabi ni Go.
Ang PhilHealth ang namamahala sa National Health Insurance Program upang magkaloob ng health insurance coverage at tiyaking makapagbibigay ng tulong medikal sa mga Filipino.
"Marami pong Pilipinong umaasa sa PhilHealth. Wala po silang ibang matakbuhan kundi 'yung PhilHealth ang unang nasa isipan nila," saad ni Go.
Iniimbestigahan ngayon ang mga opisyal ng PhilHealth dahil sa umano'y overpricing sa pagbili ng information technology system na nagkakahalaga ng mahigit P2 bilyon.
Iniimbestigahan din ang iba pang umano'y iregularidad sa pagbabayad ng PhilHealth sa ilang ospital.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado, sinabi ng nagbitiw na si anti-fraud officer Thorsson Montes Keith, aabot sa P15 bilyong pondo sa ahensiya ang nawaldas umano ng "mafia" sa PhilHealth.
Itinanggi naman ng PhilHealth ang alegasyon.
Sinabi naman ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III, na hindi naayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ang iminumungkahing parusa ni Go.
"I wish I could agree with you but it's [an] unconstitutional and inhumane punishment," sabi ng lider ng Senado.—FRJ, GMA News