(PAALALA, MASELAN ANG PAKSA SA VIDEO)

Nitong nakaraang Hulyo nang maiulat ang pagkakadiskubre sa bangkay ng isang ginang sa septic tank ng kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite. Ang biktima na inakalang nasa ibang bansa, pinatay umano ng sariling anak, at kasabwat pa ang kinakasama nito.

BASAHIN: Ginang na 4 na taong nawawala, nakita ang bangkay sa septic tank; anak niya at nobyo nito, suspek

Sa isang episode ng programang "Imbestigador," ikinuwento ng isa pang anak ng biktima na itinago sa pangalang "Michael," kung papaanong naging susi ang desisyon niyang ipaayos ang bahay at naging daan upang mabigyan ng kasagutan ang apat na taon na niyang tanong sa sarili kung nasaan ang kaniyang ina.

Nang bigla kasing mawala ang biktima noong 2016, sinabi ng isa niyang kapatid na suspek sa krimen na sinundo ito ng mga kaibigan at umalis. Mula noon, inakala niya na nasa ibang bansa lang ang ina.

Pero nang umalis ang suspek at kinakasama nito sa bahay, nagdesisyon si Michael na ipaayos ang bahay at ipinatibag niya ang isang bahagi ng bahay na gagawin sana noon na septic tank. Doon na unang nakita ng mga trabahador ang mga ID ng kaniyang ina, at kinalaunan ay humantong na sa pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima.

Tunghayan ang buong detalye ng karumal-dumal na krimen sa video na ito ng "Imbestigador." Panoorin.

--FRJ, GMA News