Ilang reseller sa San Fabian, Pangasinan na bumili ng libu-libong piraso ng face shield ang na-scam ng kanilang katransaksyon sa Facebook na ang ginamit na account ay na-hack noon pang nakaraang taon.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing P28 per piraso ang alok ng suspek na nagpakilalang supplier ng face shield sa kaniyang mga naging biktima.
Hindi umano bababa sa 1,000 piraso ang inorder ng mga biktima na nagtiwala sa suspek dahil nagpakita pa raw ito ng ID card.
Pero nang maipadala nila via electronic ang bayad, hindi na nila makontak ang suspek, naka-block na sila sa FB at walang face shield na dumating.
Ayon sa isang biktima, inakala niyang totoo ang ginamit na account ng suspek at kilala niya raw ito.
Ngunit ang FB account na Hazel Kaye Verceles na ginamit ng scammer, noong isang taon pa na-hack at ipina-blotter pa ng may-ari.
Payo ni Police Major Francisco Castillo, hepe ng San Fabian police, sa mga reseller, tiyakin na kilala nila ang katransaksyon at huwag basta-basta ipadadala ang bayad.
Mas mabuti rin umano kung gawing kaliwaan na transaksiyon o cash on delivery.--
Mayroon pang ibang insidente ng panloloko sa mga nais magbenta ng face shield lalo pa't inaasahan na tataas ang demand nito dahil kailangan na rin nitong gumamit ang mga sasakay sa mga pampublikong transportasyon simula August 15.
FRJ, GMA News