Nilinaw ni "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame kung papaano nangyari at nakasama siya sa press briefing kamakailan ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Giit ni Kuya Wil, hindi siya nang-hijack ng naturang briefing gaya ng ginamit na salita sa isang ulat.
Sa naturang press briefing, inanunsiyo ni Willie na magkakaloob siya ng P5 milyon na tulong para sa mga jeepney driver na nawalan ng trabaho at tig-P100,000 sa mga Pinoy na nasawi sa pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Nasa naturang briefing din si Cavite Governor Jonvic Remulla.
Ayon kay Willie, tumawag sa kaniya si Roque at nagpapatulong na makapagdaos siya ng news briefing dahil isinara ang RTVM at PTV4 studios nang magkaroon doon ng nahawahan ng virus.
Kaya naman ginawa ang mga press briefing ng opisyal sa gusali kung saan ginagawa rin ang programa ni Kuya Wil upang maisapubliko ang mga sasabihin ng tagapagsalita ng Palasyo.
Paliwanag pa ng TV host, noon pa man ay binibigyan na niya ng pagkakataon sa programa ang mga opisyal sa gobyerno na mag-guest upang ihayag ang mga plano at impormasyon tungkol sa COVID-19 pandemic.
"Ang ibig ko hong sabihin, hindi ho maganda 'yung pagkasulat. Hinijack ko daw 'yung programang ‘yon. I was invited by the secretary," paliwanag ni Willie.
Paliwanag pa ni Willie, tinanggihan niya ang unang imbitasyon ni Roque na sumama siya sa press briefing para personal siyang mapasalamatan.
“Sabi ko, 'Sir, hindi ho appropriate dahil hindi naman ako pulitiko," saad niya.
Pero noong huling araw daw ni Roque sa studio ng Wil Tower, pumayag na si Willie.
Dagdag pa ni Kuya Wil, hindi rin dapat masamain ng iba at bigyan ng maling kahulugan ang pagbibigay niya ng tulong sa mga jeepney driver.
Ayon naman kay Roque, sinagot niya muna lahat ng mga tanong ng mga mamamahayag bago niya pinasalamatan si Willie at binigyan ito ng pagkakataon na magsalita.
“So sa amin naman po, nakisuyo tayo kay Kuya Wil kung puwedeng magamit iyong kaniyang studio dahil naka-lockdown nga po ang NEB [New Executive Building] at kung nasaan ang aming briefing room na pinagbigyan naman po,” saad ni Roque sa kanyang regular press briefing nitong Martes sa Davao City.
Giit pa ni Roque, walang "hijacking" na nangyari.
“Bilang pasasalamat lang po ang ginawa natin na niyaya po natin siyang magpakita sa huling parte ng briefing. Likas na matulungin naman po si Willie. Walang pinagkaiba ang pagtulong niya sa panahon ng pandemya noong panahon ng Yolanda,” ani Roque.
“Wala pong pulitika roon at wala pong hijacking," dagdag niya. —Virgil Lopez/FRJ/KG, GMA News