Isang overseas Filipino worker na nagtatrabaho bilang nurse sa Riyadh, Saudi Arabia ang nagmamadaling umuwi sa Pilipinas para makapiling at maalagaan ang nag-iisa niyang anak na may malubhang karamdaman.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni Andrea Eclevia, ang sakit sa kalooban na kaniyang naramdaman noong panahon na hindi niya kasama ang anak sa pinagdadaanan nitong karamdaman.
Kaya naman sinikap ni Andrea na makabalik na kaagad sa bansa upang makasama ang 20-anyos na anak na si Angelica, na mayroong lupus.
“Sobrang sakit po noon. Alam ko po na profession namin ‘yon pero habang nagki-care ka sa iba, how you wish na nandoon ka sa anak mo lalo’t kailangang-kailangan ako,” saad ni Andrea.
Noong nakaraang Nobyembre ay nagawang bisitahin ni Andrea ang anak pero kinailangan din niyang bumalik sa trabaho para matustusan ang gastusin sa pagpapagamot sa anak.
“Kahit sinong nanay na gustong mag-alaga sa anak, lalo’t nurse ako, masakit na wala ako sa tabi niya. Bakit ako nag-stay kahit nandoon ‘yong danger na mahawa ako ng COVID? Dahil po kailangan… Ito po ang pinakamabigat recently dahil ‘di na nagpa-function ‘yong kidney niya. Every other day, dina-dialysis. Kailangan niya po ng kidney transplant,” ayon kay Andrea.
“Na-intubate ‘yong anak ko, na-comatose, talagang hindi ko na kinaya. Talagang umiiyak ako sa duty na sabi ko nga nabigyan ako ng pagkakataong makauwi, na makasama ‘yong anak ko,” patuloy niya.
Pero kahit nakauwi na, hindi rin kaagad niya napuntahan ang anak dahil sa ipinatutupad na panuntunan ng mandatory quarantine para sa bumabalik sa bansa.
Bagaman nagpakita na siya ng dalawang negative result ng COVID-19 test, kinailangan uli niyang kumuha ng isa pang test pagdating sa Pilipinas.
“Maghihintay po talaga ako kaya lang noong sinabi pong nawalan ng paningin anak ko, hindi ko na po kaya na wala ako sa tabi ng anak ko. Gusto ko na po siya yakapin agad,” pagbahagi niya.
Dahil sa kahilingan, tumulong si Senador Bong Go na makuha kaagad ang resulta ng test ni Andrea.
Nitong Linggo, nagawa nang bisitahin ni Andrea ang kaniyang anak sa Philippine General Hospital.
“Sobrang sakit po hindi mo siya ma-describe dahil napakabata ng anak ko tapos hangga’t maaari marami kang tanong pero mas maganda na lang na humingi ka ng tulong sa Diyos,” sabi ni Andrea, na umaasang may makatutulong sa kanila para sa kanilang anak.
"Mahal na mahal kita anak. Lahat ng ginagawa ko para sa kaniya," ayon kay Andrea.-- FRJ, GMA News