Dahil sa mga kinatakutan nating mawala sa ating buhay kagaya ng salapi at mga materyal na bagay, humihina hanggang sa tuluyang masira ang relasyon natin sa Panginoong Diyos. (Matt. 14:22-33).

 

(Larawan mula sa CBCPNews.net)

Ito ang mensaheng mababasa natin ngayon sa Mabuting Balita  tungkol sa takot, duda at kawalan ng pananampalataya ng mga Disipulo ni Hesus.

Ang pangunahing kinatatakutan natin ay ang mawala sa atin ang mga bagay na naipundar natin sa mundo. Ang iniisip kasi natin, kapag nawala ang mga materyal na bagay sa ating buhay ay mistulang katapusan na ng mundo.

Doon na umiikot ang ating mundo. Samantalang hindi natin nakikita ang iba pang mahahalagang bagay bukod sa pera at iba pang materyal na bagay; Gaya ng pag-ibig sa kapwa at pag-ibig sa Diyos.

Nakararamdam din tayo ng pagdududa sa presensiya ng Diyos sa ating buhay. Kapag tayo ay nahaharap sa isang mabigat na pagsubok, ang pakiramdam natin ay pinababayaan tayo ng Panginoon na maghirap at magdusa. Nakakalimutan natin na palagi natin Siyang kasama sa hirap at pati na sa ginhawa.

Maging ang Panginoong Hesus ay dumanas din ng mabibigat na pagsubok sa panahon ng Kaniyang pangangaral at ministeryo. Subalit hindi Siya nagduda sa Kaniyang ama at sa halip ay naging matatag.

Ang mga pagsubok sa buhay ay para lamang sakit sa katawan na lumilipas din at nawawala kapag uminom ng gamot. Ang gamot sa ating mga problema ay ang ating pananalig at pagtitiwala sa Diyos.

Tandaan natin lagi ang mga salitang Kaniyang binigkas sa mga Disipulo nang makaramdam sila ng takot habang si Hesus ay naglalakad sa ibabaw ng tubig at mapagkamalan siyang multo; "Huwag kayong matakot, ako ito."

Nagdududa rin tayo sa Diyos sa mga panahong sinusubukan ang lalim ng ating pananalig sa Diyos. Ang pakiramdam natin ay binabalewala ng Panginoon ang mga pagdurusa natin. Hindi kailanman pinabayaan ng Diyos ang mga lumalapit sa Kaniya at dumudulog para sa Kaniyang awa. Hindi Niya kailanman binigo ang mga tumatangis sa Kaniya.

Kadalasan, kinakasangkapan ng Panginoong Diyos ang ibang tao upang ipadama Niya ang Kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng mga tulong at biyayang dumarating nang hindi natin inaasahan.

Sa ganitong pagkakataon, magkakaroon pa ba tayo ng takot at pagdududa? O kagaya rin tayo ni Pedro na nagkaroon ng pag-aalinlangan?

Nang unti-unting lumulubog si Pedro sa tubig ay naroon ang kamay ng Panginoong Hesus para abutin siya. Ganoon din ang ginagawa ni Hesus sa mga taong unti-unting inilulubog at nilulugmok ng mga problema.

Inaabot Niya ang Kaniyang kamay para tulungan tayo. Sa pamamagitan ng ating kapwa na nagbibigay ng tulong sa panahon ng ating kagipitan, sila ang kamay ng Panginoon na iniaabot kapag tayo ay nalulubog.

Ipanalangin natin sa Diyos na sa halip na tayo ay magduda sa panahong nahaharap tayo sa mabibigat na suliranin, sana'y bigyan tayo ng Panginoon ng katatagan upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok na ito.

Amen.

--FRJ, GMA News