Ilang dekada nang naninirahan sa luma at sira-sirang barung-barong ang mag-asawang lolo at lola. Sa tulong ng mga pulis ng Lidlidda, Ilocos Sur, pinatayuan sila ng bagong bahay sa loob lang ng 17 araw.
Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV-Balitang Amianan, makikita ang maliit na bahay nina Lolo Antonio, 85-anyos, at Lola Rosita Paungan, 88-anyos, na gawa sa pinagtagpi-tagping mga yero at lona.
Sa kabila ng kaniyang edad, pilit na gumagawa ng paraan si Lolo Antonio na kumita upang matustusan ang pangangailangan nilang mag-asawa.
Nakatawag ng pansin sa iba ang kalagayan ng mag-asawa at bumuhos ang tulong sa kanila—kabilang na ang kapulisan ng Lidlidda, na nagtulong-tulong para gawan sila ng bagong bahay.
Sa loob lang ng 17 araw, naitayo na ng mga pulis ang kongkretong bahay nina Lolo Antonio at Lola Rosita, at napaganda rin ang lugar na kinatitirikan ng kanilang bagong tahanan.
"Ang Diyos nawa ang laging gumabay sa inyo," nakangiting pasasalamat ni Lolo Antonio.
"Nagpapasalamat kami sa inyo, mga anak, dahil nandiyan kayo," sabi naman ni Lola Rosita.
Matapos ang maraming taon na pagtitiis sa kanilang lumang bahay, tiyak na magiging mas masaya na ngayon sa kanilang bagong tahanan sina Lolo Antonio at Lola Rosita. —FRJ/KG, GMA News