Taong 2014 nang iluwal ni Ronalyn ang anak niyang si Lucas na inakala raw nila noon na patay dahil hindi kaagad umiyak ang sanggol. At sa paglipas ng panahon, habang lumalaki ang bata, napansin nilang may mga tumutubong bukol at hindi pantay ang paglaki ng mga parte ng kaniyang katawan.
Apat na taong gulang na si Lucas nang ipasuri nila sa duktor ang kalagayan ng bata, at doon na nila nalaman na mayroon siyang pambihirang kondisyon na kung tawagin ay Solamen syndrome.
Bukod sa pagiging payat ni Lucas, madalas ding idaing ng bata ang pananakit ng isa niyang paa na higit na malaki sa kabila. At mula raw nang magkaroon ng lockdown, hindi pa muling nakakainom ng gamot ang bata na makatutulong sana upang maibsan ang kaniyang paghihirap.
Sa ngayon, hirap na si Lucas na makatayo at makalakad dahil sa iniinda niyang sakit sa paa na makikita ang naglalakihang ugat.
Tunghayan sa video na ito ng programang "Tunay Na Buhay" ang mabigat na laban sa buhay na kinakaharap ni Lucas sa mura niyang edad, at maging ng kaniyang ina. Ano nga ba ang Solamen syndrome? Panoorin.--FRJ, GMA News