Kabilang ang dalawang Pinoy sa mahigit 100 katao na nasawi sa malakas na pagsabog na yumanig sa Beirut sa Lebanon, at 12 Pinoy pa ang nawawala.
Batay sa impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Beirut, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Ed Meñez nitong Miyerkules, na nasa bahay ng kanilang mga amo ang mga Pinoy na nasawi sa pagsabog.
Inihayag naman ni Foreign Undersecretary Sarah Arriola, nagtatrabaho bilang mga kasambahay sa Beirut ang mga nasawi.
Karamihan naman umano sa nawawalang 12 Pinoy ay mga seafarer.
Mayroon ding walong Pinoy na iba pa ang nasaktan sa malagim na insidente.
“Everything is very fluid. We are looking at all hospitals,” sabi ni Arriola, sabay pagtiyak na tutulungan ang mga biktima.
Ang OFW na si Mary Antonette Olita na tubong-Leyte, sinabing kinukunan niya ng video ang makapal na usok na nagmumula sa bodega ng pantalan nang biglang maganap ang napakalakas na pagsabog.
Nais na ngayon ni Olita na umuwi na sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na pag-iibayuhin pa lalo ng pamahalaan pag-repatriate ng mga Pinoy na nasa Lebanon.
Bukod sa mahigit 100 katao na nasawi, libu-libo rin ang nasaktan at nag-iwan ng malawak na pinsala ang naturang pagsabog na lumukha ng matinding shockwave.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Lebanon sa pinagmulan ng pagsabog na unang hinihinala na nanggaling sa mga nakaimbak na pampasabog na ammonium nitrate sa isang bodega sa pantalan.
Inaasahan ng mga awtoridad na madadagdanga pa ang bilang ng mga biktima.
Nakikipag-ugnayan naman ang embahada ng Pilipinas sa Filipino community sa Lebanon para alamin ang kanilang mga kalagayan.
Ang mga Pinoy sa Lebanon na kailangan ng tulong ay maaari umanong makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa mga sumusunod: +961 3859430, +961 81334836, +961 71474416, +961 70681060 at +961 70858086 (telephone) o beirutpe@gmail.com (email), o sa Facebook. —FRJ, GMA News