Sa bagong vlog ni Michael V., inihayag ng Kapuso comedian ang posibleng ang pinagmulan ng kaniyang COVID-19 ay ang mga gamit na idineliber sa kaniyang bahay.
Sa kaniyang video post nitong Lunes, sinabi ng aktor na patuloy ang pagbuti ng kaniyang pakiramdam at siyam na araw na siyang walang nararamdamang sintomas ng sakit.
"Hopefully, paglabas ng vlog na to, 11 days straight na," saad niya.
Ayon kay Michael V o Bitoy, iniisip niya kung saan niya posibleng nakuha ang virus.
Aniya, nagtungo siya sa Batangas kasama ang kaniyang pamilya bago siya nagkasakit.
Pero tatlong tao lang daw ang kaniyang nakasalamuha sa naturang biyahe.
Negatibo naman daw sa virus ang naturang tatlong tao, maging ang kaniyang mga kasama sa pamilya.
"So saan ko kaya nakuha yung virus? Ang duda ko deliveries," hinala niya.
"FYI: lahat ng deliveries na dumadating, hindi nakakapasok dito sa studio nang hindi sinasanitize. Pero dahil siguro sa sobrang excited ko na mabuo 'tong studio ko, palagay ko may mga online deliveries akong nabuksan tapos deretsong ginamit ko na agad," dagdag pa ni Bitoy.
"Sa sobrang atat ko, malamang hindi ko na na-sanitize 'yung nasa loob nung package," patuloy niya.
Iyon lang daw ang nakikitang dahilan para mapasok sa kanilang bahay ang virus.
Kaya payo ni Bitoy sa publiko, suriing mabuti ang mga dumarating na inorder at i-sanitize na mabuti.
"Ngayon doble na ang dinadaanan ng deliveries namin: una sina-sanitize tapos iniisterilize ng UV light. Hindi lang 'yung packaging, pati yung laman," pahayag niya.
Kasama na rin sa pag-iingat ang pagsusuot ng pagsusuot ng face mask kapag nagbukas ng delivery at kaagad na maghuhugas ng kamay.
"Hopefully hindi lang para sa pamilya ko, para sa mga pamilya niyo na rin," mungkahi niya.
Nagpositibo sa COVID-19 si Bitoy noong Hulyo 20 at nag-quarantine sa kanilang bahay.— FRJ, GMA News