Ang kabutíhang-loób ng Panginoong Hesus ay hindi nagtatapos sa isang pagkakataon. Sa halip, ito ay walang limitasyon. (Mt. 14: 13-21).

_____________

May  mga pagkakatan na maririnig natin sa iba ang ganitong kataga: "Kapag ibinigay mo ang iyong daliri, pati braso ay kukunin ng ilang tao na abusado na pinagkalooban ng tulong."

 


Kaya mayroon ilan na tumutulong na pinipiling lagyan ng limitasyon ang kanilang ibinigay sa kanilang kapwa. Kung ano man ang ayudang naipagkaloob nila, hanggang doon lang dahil sumasagi na sa isip nila na bago inaabuso na sila.

Subalit hindi ganiyan ang karakter na ipinakita ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon (Mt. 14: 13-21). Nang mabalitaan ng Panginoong Hesus ang pagkamatay ng Kaniyang pinsang si Juan Bautista, nagtungo siya sa isang ilang na lugar upang mapag-isa at magluksa.

Nais sana niyang magkaroon ng pribadong sandali para sa Kaniyang sarili. Ngunit nabalitaan ng mga tao kung saan Siya naroroon kaya dinagsa pa rin ng mga tao ang lugar na pinuntahan Niya. Kaya ang inaasam Niyang pribadong sandali ay hindi na rin nangyari.

Nang makita Niya ang mga dumarating na tao, sa halip na Siya ay mainis dahil sa maabala ang Kaniyang pribadong oras, nahabag pa si Hesus para sa kanila.

Hindi na inalintana ng Panginoon ang tungkol sa Kaniyang sarili at isinantabi muna Niya ang Kaniyang pangsariling hangad. Higit niyang isinaalang-alang at inisip ang kapakanan ng mga taong na higit na nangangailangan.

Mas nangibabaw ang habag ni Hesus para sa mga tao kaysa sa pansariling interes. Hindi inuna ni Kristo ang Kaniyang sarili, mas pinahalagahan niya ang kapakanan ng ibang tao. Pinakain pa niya ang mga tao matapos niyang gamutin ang kanilang mga karamdaman.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na "unli" o unlimitted ang tulong na ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon. Hindi lang nagtatapos sa isang pagkakataon kung hindi walang hanggan.

Sapagkat hindi lamang niya ginamot ang mga tao, pinakain pa Niya dahil na rin sa pangingibabaw ng Kaniyang habag para sa kanila.

Ilan kaya sa atin ang nakahandang magsakripisyo ng kanilang sariling oras at interes para sa kapakanan ng ibang tao? Nakahanda ka rin bang ibigay ang iyong pribadong oras para sa iyong kapwa?

Ngayong nahaharap tayo sa pandemya, maraming naghihirap, maraming napapagod, maraming natatakot, maraming nangangangailangan.

Ang mga medical frontliner, itinataya ang sariling kaligtasan at isinasangtabi ang sariling interes para tulungan ang ating mga kababayang dinapuan ng karamdamang sanhi ng virus.

Nawa'y gabayan sila ng Panginoon sa kanilang paglilingkod, ingatan, at bigyan ng sapat na lakas ng katawan upang maipagpatuloy nila ang kanilang serbisyong ibinibigay sa kanilang kapwa.

Magsilbing aral din sana sa atin ang Ebanghelyo at ang karanasan ng mga frontliners upang huwag nating lagyan ng limitasyon at tuldok ang anumang tulong at serbisyong puwede nating maipagkaloob para sa mga taong nangangailangan lalo na sa ganitong mga panahon.

Pagpalain nawa tayo at inangatan ng Panginoon sa araw-araw.

Amen.

--FRJ, GMA News