Napadpad sa baybayin ng East Nusa Tenggara sa Indonesia ang 11 pilot whales. Ang mga residente, nagtulong-tulong para sagipin ang mga marine mammal.

Sa Twitter post ng Agence France Presse, makikita sa video ang mga residente na itinutulak pabalik sa dagat ang isa sa mga balyena na sinasabing mga short-finned pilot whale.

 

 

Tinatayang nasa 2-6 metres o 6.5-20 feet ang laki umano ng mga balyena.

Bagaman nasagip ang balyena na nakita sa video na itinulak ng mga tao pagbalik sa dagat, nakita naman ang 10 iba pang balyena na patay na.

Hindi naman malinaw sa mga awtoridad kung bakit napadpad sa lugar ang mga balyena.

Nitong Huwebes, apat na malalaking dolphin ang napadpad sa baybayin ng Barangay Asluman sa Hamtic, Antique na pinagtulungan din ng mga residente na maibalik sa malalim na bahagi ng dagat.

WATCH: Mga dolphin na napadpad sa baybayin ng Antique, sinagip ng mga residente

Nagtagumpay silang maibalik sa dagat ang dalawa pero nakita nilang nanghihina naman at may sugat ang dalawa pa. --FRJ, GMA News