Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na mayroon na ngayong mahigit 38,000 na gumaling sa COVID-19 matapos ma-re-tag ang mga mild at asymptomatic cases bilang "recovered." Ano nga ba ang basehan nito para matiyak ng ahensiya na hindi ito isang pagmamanipula lamang?
Sa panayam sa GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Health Undersecretary Dr. Leopoldo Vega ang ginagawa nilang massive data "reconciliation" sa lokal na pamahalaan.
"Itong mga data natin ho ay minomonitor na talaga ng DOH at bina-validate at nire-reconcile galing sa mga local government units, iba't ibang hospitals at ibang mga laboratories," sabi ni Vega.
Ayon pa sa kaniya, 90% ng mga asymptomatic at mild cases ay isinasailalim sa isolation o quarantine pero hindi nalalagyan ng data bilang "recovered" dahil inilalabas sila agad.
"To reconcile that, parang time date na ang ginagawa. 'Pag dumaan ka ng quarantine, dumaan ka ng isolation at na-quarantine ka for 14 days, presumed recovered ka na talaga," ani Vega.
Sinabi ni Vega na mas maganda na raw ngayon ang datos dahil 73% na ang recoveries, at napananatili rin ang death rate sa 2.2%.
Panoorin ang buong talakayan sa video sa itaas. --FRJ, GMA News