Ang inggit at selos ay isang lason na sisira sa ating pagkatao at sa ating relasyon sa Diyos.
Ang kahulugan ng selos o panibugho sa "diksiyonaryo.ph"; "pakiramdan ng inggit, gálit, o hinanakít laban sa isang tao na matagumpay o sa karibal."
Samantalang ang inggit naman; "pakiramdam na pagkadeskontento o pagka-gálit dahil sa pagkakaroon ng magandang kapalaran [o tagumpay] ng kapuwa."
Masakit man na tanggapin pero tila bahagi na ng tao ang makaramdam kung minsan ng inggit at selos. Sadyang may pagkakataon na hindi man siguro sinasadya ay may tao o kapuwa tayo na kaiinggitan o pagseselosan.
Iyan ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Mt. 13: 53-58) nang bumalik si Hesus sa bayan na kaniyang kinalakihan--ang Nazareth. Bumalik siya para magturo at mangaral sa kaniyang mga kababayan tungkol sa Mabuting Balita.
Bukod sa gagawin niyang pangangaral, maaari din Siyang magpagaling ng mga taong maysakit. Subalit sa halip na matuwa o malugod ang Kaniyang mga kababayan, naging malamig ang pagtanggap ng iba sa Kaniya.
Iniisip nila marahil kay Hesus, "Ano ang karapatan niyang magturo at manggamot samantalang anak lamang siya ng karpintero."
Ang naging asal ng mga taong iyon sa Nazareth ay maaaring sumasalamin din sa atin sa iba't ibang pagkakataon. Nagiging mababa o minamaliit natin ang tingin sa mga taong hindi natin inakala na mas mahusay o higit na maabilidad sa atin. Dahil ang tingin nga natin sa ating sarili, higit tayong karapat-dapat o mas angat kaysa sa kanila.
Minsan kapag nakita natin ang ating kakilala na umasenso sa buhay, pag-iisipan at pagdududahan na natin siya ng masama. Mamaliitin pa ang kaniyang pinagmulan gaya ng ginawang paghamak kay Hesus na anak ng karpintero.
Sa ilang pagkakataon, magkaibigan pa ang dalawa. Sa halip na matuwa ang isa sa tagumpay ng kaibigan, bigla na lang iiwasan nang dahil sa inggit o selos. Ang iba ay gagawa pa dahilan para siraan at hatakin pababa ang taong nagtagumpay.
Hindi kasi natin matanggap na may mas mahusay kaysa sa atin. Ayaw nating magpatalo kaya kung ano-anong kasamaan ang pumapasok sa ating isip laban sa ating kapwa. Dahilan para mapalayo tayo sa Panginoon.
Ganyan ang nangyari kina Cain at Abel. Dahil sa sobrang inggit at selos ni Cain laban sa kaniyang kapatid, ito ay kaniyang napatay.
Pinapapaalaala sa atin ng Ebanghelyo na lason ang inggit at selos. Isang uri ng lason na sisira sa ating buong pagkatao at sisira din sa ating relasyon sa Panginoon gaya ng nangyari kay Cain.
Ipanalangin natin na sa halip na balutin at lamunin tayo ng inggit at selos nawa'y pang-unawa at pag-ibig ang siyang umiral sa ating mga puso at isip para sa ating kapwa.
Amen.
--FRJ, GMA News