Apat na malalaking dolphin ang napadpad sa baybayin ng Barangay Asluman sa Hamtic, Antique nitong Huwebes ng hapon. Ang mga residente, nagtulong-tulong para maibalik sila sa malalim na bahagi ng dagat.
Ang pagsagip sa mga dolphin ay nahunan ng video ni Lyka Hermosa at ini-upload sa Facebook.
Ayon kay Hermosa, dakong 4:00 pm nang biglang magkagulo ang mga tao sa kanilang barangay nang mapansin ang paglapit sa baybay ng mga dolphin.
Sa video, makikita na malakas ang alon at kapansin-pansin na rin ang mga palikpik at buntot ng dolphin na indikasyon na nasa mababaw na bahagi na sila ng baybayin.
Kaagad na lumapit ang mga tao at itinutulak nila ang mga dolphin pabalik sa malalim na bahagi ng dagat.
Dalawa sa mga dolphin ang nakabalik sa malalim na bahagi ng dagat habang nanghihina naman at may sugat umano ang dalawa kaya ipinagbigay alam nila ito sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Wala pang paliwanag kung bakit napadpad sa lugar ang mga dolphin, na unang pagkakataon daw na nangyari sa kanilang lugar, ayon kay Hermosa.
Batid daw nila sa barangay na dapat protektahan ang mga dolphin kaya hindi nila sinaktan o hinuli ang mga ito.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News