Nilinaw ni Willie Revillame na ilang linggo nang hindi lumalabas sa "Wowowin-Tutok To Win" ang kaniyang co-host na si Donita Nose nang maibalita na positibo ito sa COVID-19. Ginawa ni Kuya Wil ang paglilinaw para pawiin ang pangamba ng marami na baka may nahawa sa kanila sa programa.
Sa episode ng programa nitong Martes, sinabi ni Kuya Wil na tatlong linggo nang wala si Donita sa "Wowowin" nang maibalita ang pagkakasakit ng TV host.
Sabi pa ni Kuya Wil, July 10 nang huling napanood si Donita sa programa at nawala ito dahil may kailangang ayusin.
Nang panahon na nasa "Wowowin", sinabi ni Kuya Wil na walang nararamdaman na sintomas ng sakit si Donita.
Kasabay nito, sinabi ni Kuya Wil nagsagawa raw sila ng rapid test sa programa at negatibo ang kanilang mga resulta.
"Kaming lahat po dito, GMA Engineering, lahat po ng tao na nandito sa loob ng Wil Tower, sa studio namin, nagpa-rapid test ng July 20, Monday," sabi ni Kuya Wil.
"Pero bago 'yan nagpa-inject muna tayo ng anti-flu. July 15 po nag-anti-flu at anti-pneumonia, 'yung lifetime. So lahat po kami dito. And then nu'ng July 20, Monday, [nagpa-rapid test], wala pa kaming swab ho, to come 'yan kasi lahat naman ho ay negative. So thank you very much, thank you Lord! Awa ng Diyos," sabi pa ni Kuya Wil.
Nagpaabot naman mensahe si Kuya Wil kay Donita na magpagaling.
"Siyempre maraming magmamahal sa 'yo kaya you will be okay. Maraming tutulong sa 'yo, huwag kang mag-alala. Ikaw ang lalaban diyan, 'yung COVID na 'yan sarili mo ang lalaban diyan. Kami nandito to support you at prayers mo. Lumaban ka diyan ha. Talunin mo 'yung virus na 'yan para makasama ka pa namin," sabi ni Kuya Wil.
Nasa isang ospital ngayon si Donita habang ginagamot ang kaniyang sakit.--FRJ, GMA News