Inihayag ni Alden Richards na "unfair" ang hindi pantay na pagtingin ng online community mga babaeng gamer kumpara sa mga lalaki. Ayon sa Kapuso actor, marami na rin naman sa mga babeng gamer ang magagaling at kayang makipagsabayan sa mga lalaki.
Napag-usapan ang tungkol sa mga babaeng online gamer dahil kabilang sa mga pinagpilian sa segment na Bawal Judgmental ng "Eat Bulaga" nitong Martes ay mga gamer tulad ni Chantelle.
Ayon kay Chantelle, hindi kalakihan ang napanalunan niya sa isang all-female tournament na sinalihan niya.
Dahil dito, tinanong ni Bossing Vic Sotto si Alden, na tinawag niyang "resource person" tungkol sa isyu.
Kilala si Alden bilang isang online gamer .
“'Yun nga po 'yung medyo unfair side ng online gaming. Minsan mas maganda na hindi mo talaga nakikita 'yung mga kalaro mo, mga heroes lang na ginagamit nila, kasi parang, ganoon pa rin po, may hierarchy pa rin siya eh,” sabi ni Alden.
Nanawagan ang aktor na respetuhin din ang mga babaeng online gamers tulad ng pagrespeto sa mga lalaking online gamer.
“Pero normally talagang sa panahon po ngayon Bossing, marami na pong mahuhusay na babaeng online gamers, so dapat 'yung binibigay na respeto ng mga players sa mga lalaking gamer versus mga babaeng gamer pantay lang po," sabi ng aktor.
"Kasi 'yung skills po, halos pantay na. Marami na pong mahuhusay na babaeng gamers diyan,” saad pa ni Alden.
Naging emosyonal naman si Chantelle nang ikuwento niya ang mga naranasang pambabastos sa kaniya noong ginagawa niya ang trabaho niya bilang shoutcaster o commentator sa online games.
"Lalo na kapag siyempre naglalaro po kami lang ang nagsasalita, minsan 'yung mga bash 'Ano ba 'to nakakairita itong nagsasalita na ito.' Since online po siya nababasa ko 'yung comments. All along ginagawa ko ’yung best ko lagi pero parang kulang pa rin," sabi ng ni Chantelle.
"One time 'yung mga comments nila parang sexual na," dagdag ni Chantelle.
Nanawagan ang babaeng online gamer na bigyan din sila ng pagrespeto.
"Trabaho ko talaga ito, mae-expose at mae-expose ako. So I give you the respect, sana kami din na mga gamer o kahit caster, same 'yung tingin," sabi ni Chantelle.
May pagkakataon pa raw na naiyak na si Chantelle habang nasa streaming dahil nababasa rin mismo ng kaniyang pamilya ang mga pambabastos na online comments sa kaniya.
“Hindi deserve ng pamilya ko 'yung comments na binibigay," sabi ni Chantelle.
Panawagan ni Chantelle sa mga bashers sa online gaming community: “Lagi nating tatandaan na hindi dahil part kami ng online personalities or freely puwede niyo sabihin online dahil walang makakapagpigil ng china-chat niyo, siyempre isipin natin ang pamilya natin, mga kapatid nating babae, nanay. Hindi lahat ng bagay na kaya natin sabihin pwede natin sabihin kasi gusto natin.” --FRJ, GMA News