Nagbabala kamakailan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tungkol sa "Sim Swap' scam kung saan kunwaring mag-aalok ang scammer ng upgrade sa cellphone para sa mas magandang network connection, pero ang talagang pakay nila ay makuha ang detalye ng bank account ng bibiktimahin. Ano ang mga maaaring gawin para makaiwas sa scam na ito?
Sa "Kapuso Sa Batas" ng GMA News "Unang Hirit," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na batay sa datos ay tumaas ng 700% ang paggamit ng mga online payment ng mga tao dahil sa lockdown dulot ng COVID-19.
Ayon kay Atty. Concepcion, dapat munang magkaroon ng imbestigasyon kung sino ang nagkulang kaya nagtagumpay sa kaniyang plano ang scammer. May ilang pagkakataon daw kasi kung saan naibibigay ng biktima ang kaniyang mga detalye sa pamamagitan ng "phishing" ng mga suspek.
Sinabi ng abogado na nagmamagandang-loob naman ang bangko at ibinabalik ang pera ng biktima kapag lumitaw sa imbestigasyonkung wala kasalanan ang biktima.
Magkakaroon lang ng pananagutan ang isang bangko kung sila ang malinaw na magpapabaya sa kanilang bahagi. Halimbawa umano ay kung nagbabala na ang isang biktima na nai-freeze ang kaniyang account dahil sa kuwestiyunableng transaksyon, pero walang ginawang aksiyon ang bangko at nanakawan pa rin ng pera ang account ng biktima.
Ganito rin ang magiging panangutan ng mga telephone company kung hindi nai-block ang sim ng biktima sa kabila ng babala ng biktima na nakuha ang kaniyang sim.
Kaya naman makabubuting ipagbigay-alam kaagad sa mga kinauukulan kapag napansin na may kakaibang nangyayari sa account. Hindi rin umano dapat maglagay ng mga personal na impormasyon sa social media at maging maingat at mapanuri sa mga natanggap na email at anumang mensahe.
Alamin ang buong talakayan sa ganitong uri ng panloloko sa video na ito.--FRJ, GMA News