Isang pamilya ng mga Pinoy na kumakain sa restaurant ang naging biktima ng racism ng isang Amerikanong "puti" na opisyal pa man din ng isang tech-based company San Francisco, California. Ang mga Pinoy, ipinagtanggol naman ng kawani ng restaurant.
Sa ulat ni Maki Pulido sa "24 Oras," ikunuwento ni Raymond Orosa na ipinagdiriwang nila ang kaarawan ng kaniyang misis nang bigla silang pag-initan ng isa pang kostumer, na nakilala kinalaunan na si Michael Lofthouse.
Napag-alaman na si Lofthouse ay chief executive officer ng isang tech-based company.
Sa video, makikita ang ginawang pambabastos at pagmumura ni Lofthouse sa mga Pinoy na tinawag niyang, "Asian piece of sh-t."
Sabi ni Lofthouse sa pamilya na, "Trump's gonna f--k you" at iginiit na dapat na raw umalis na ang mga ito.
Ayon kay Orosa, ito ang unang pagkakataon na naranasan niya ang racism sa America.
"I've never felt a racism in America for the almost 26 years of me being here. And that night, I felt it first hand, so I was really surprised," aniya.
"I actually don't know what triggered it, you know. All I know is that he reacted that way and he addressed it to us. In fact, he was looking at the camera," ayon pa kay Orosa.
Pumagitna naman sa gulo ang kawani ng restaurant at ipinagtanggol ang mga Pinoy at pinaalis si Lofthouse.
"Get out of here! You are not allowed here. No, you do not talk to our guests like that. Get out! Now! They are valued guests. You are not allowed here, ever again," sabi ng staff kay Lofthouse.
Ayon kay Orosa, hindi pa rin tumigil ang lalaki sa pang-insulto kahit palabas na ito ng restaurant.
"Hanggang sa lumabas siya, tuloy-tuloy pa rin 'yung pagsasabi niya yung f-ing Asians niya. 'Yung we should get the f-ing out of the country," sabi ni Orosa.
Hindi makapaniwala si Orosa sa mga sinabi ni Lofthouse dahil maraming Asyano sa California kung saan ito nagtatrabaho.
"Ang daming Asians doon, ang daming Filipino doon. I don't understand how he can live in a community full of Asians and hate Asians at the same time," pagtataka ng Pinoy.
Sa report sa ABC 7News, inamin umano ni Lofthouse na mali ang kaniyang inasal nang sandaling iyon.
"This was clearly a moment where I lost control and made incredibly hurtful and divisive comments," sabi ni Lofthouse sa ulat.
"I would like to deeply apologize to the Chan family. I will take the time to reflect on my actions and work to better understand the inequality that so many of those around me face every day," idinagdag ni Lofthouse.
Muling naging mainit ang usapin ng racism sa Amerika dahil sa pagkamatay ng Amerikanong "itim" na si George Floyd sa kamay ng mga pulis na Amerikanong "puti." --Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News