Habang wala pang katiyakan kung maiuuwi pa sa Pilipinas ang mga labi ng mga OFW sa Saudi Arabia na pinaniniwalaang namatay kaugnay sa COVID-19, ilang kaanak nila sa Pilipinas ang masama ang loob dahil hindi nila alam kung nasaan na ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.
Katulad ng sinapit ni Geronimo Dote, isang OFW sa Riyadh, na nasawi pero hindi raw malinaw kung may kaugnayan ba sa COVID-19 ang kaniyang naging karamdaman.
Ayon sa kaniyang kapatid sa Pilipinas, walang tulong na natanggap si Dote mula sa employer nito lalo na nang nagpakita ito ng sintomas ng sakit.
Ang masaklap pa, nalaman lang daw nila ang sinapit ng OFW nang kumalat sa social media ang video habang dinala siya sa ospital ng mga kapwa OFW.
Bukod sa hindi kaagad nalaman ng mga kaanak sa Pilipinas ang kaniyang pagkamatay, wala rin daw silang balita kahit sa anumang ahensiya ng pamahalaan kung nasaan ang bangkay ni Dote.
Malaking katanungan din para sa kanila kung maiuuwi pa ba ang kaniyang mga labi.
Unang iniulat na tinatayang nasa 300 na bangkay ng mga Pinoy ang inaasahang maiuuwi sa bansa mula Saudi Arabia. Pero ang mahigit 100 OFW na nasawi dahil sa COVID-19, plano na doon na lamang ilibing.
Tunghayan sa video na ito ang buong ulat ni Manal Sugadol para sa "Stand For Truth."--FRJ, GMA News