Isiniwalat ni House Deputy Majority Leader Francisco Paolo Ortega V ang ilan pang "kakaibang" pangalan na sinasabing tumanggap sa confidential funds mula sa Office of Vice President ni Sara Duterte. Kabilang diyan ang isang "Jay Kamote" at isang "Miggy Mango."
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ng kongresista na mula sa La Union na kasama rin umano sa listahan ang mga pangalang Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, at Dodong S. Barok.
Sinabi ni Ortega na maaari itong gamitin upang palakasin ang kaso ng impeachment laban kay Duterte.
Kasama sa mga reklamo laban kay Duterte sa inihaing impeachment case ng Kamara de Representantes, ang umano'y mga resibo o dokumento na may maling mga petsa, mga pirma na walang pangalan na nakapirma, at mga hindi mabasang pangalan ng mga nakapirma, upang bigyang-katwiran ang paggamit ng naturang kontrobersiyal na pondo noong 2022 at 2023, ng OVP at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito.
Nauna nang lumabas ang pangalang “Mary Grace Piattos,” na lumitaw na walang record mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Kamakailan lang, lumabas din ang iba pang pangalan na benepisyaryo rin umano ng naturang pondo na nagngangalang "Xiaome Ocho," na kapangalan ng isang brand ng cellphone.
“Hindi lang ito kapabayaan—ito ay isang maingat na planong paglustay sa pondo ng bayan. Peke ang mga pangalan, peke ang liquidation, at peke ang pananagutan,” ayon kay Ortega.
Matapos ipadala ng Kamara ang articles of impeachment sa Senado, naghain ng petisyon ang kampo ni Duterte sa Supreme Court upang kuwestiyunin ang bisa ng reklamong inihain laban sa kaniya.
Dati nang sinabi ni Duterte na walang siyang ginawang iregularidad sa naturang pondo at iginiit na pulitika ang nasa likod ng mga pag-atake laban sa kaniya.
Una nang inihayag ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na sa darating na July pa masisimulan ng Senado bilang impeachment court ang gagawin nilang pagdinig sa mga bintang laban kay Duterte. — mula sa Mariel Celine Serquina/FRJ, GMA Integrated News