Nagtapos na ang pagiging house guest ni Mavy Legaspi sa bahay ni "Kuya."

Sa episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" nitong Biyernes, ipinatawag ni Kuya si Mavy sa confession room at sinabihan siya na mayroon na lang siyang 100 minuto para makasama ang mga housemate.

“I’m just grateful sa mga housemates na nakilala ko po. They’re really special people. Mami-miss ko sila,” sabi ni Mavy.

Pero sinabi ni Kuya na hindi dapat malaman ng mga housemate ang limitadong panahon nang pananatili niya sa bahay.

Nang lumabas si Mavy sa kuwarto, may ipinakitang timer sa isang TV screens na nagsilbing countdown para sa kaniyang paglabas.

At nang matapos na ang kaniyang oras, tumayo si Mavy at pinasalamatan ang mga housemate at nagpaalam.

“I enjoyed my time with you, guys. Maraming salamat. Ito ‘yung totoong task. My task is out there pero nung binigay ni Kuya ‘tong task sa akin, nagulat ako, obviously, wala akong damit, wala akong ni-pack. I have zero regrets the first night,” sabi ni Mavy.

“Can’t wait to see you at the outside world. Hugs for you, guys. I’m so excited for your journey. I’ll be rooting for each and every one of you. I’ll really gonna miss you, guys,” dagdag niya.

Bago tuluyang umalis, nagkaroon ng sandaling private emotional moment sina Mavy at kaniyang girlfriend na si Ashley Ortega na isa sa mga housemate.

"I'm actually so lucky na you get to stay here, hon, I didn't expect naman na you’re gonna be here for a while. I’m happy you enjoyed here honey,” saad ni Ashley.

Nagpasalamat din si Mavy kay Kuya sa ibinigay sa kaniyang pagkakataon na manatili sa bahay nito.

“Siyempre Kuya mami-miss ko sila pero nararamdaman ko Kuya na it’s a start of another beautiful beginning po. Thank you for the opportunity po. Nag-enjoy po ako. Maraming salamat po, Kuya,” ayon sa aktor.

Hindi na napigilan ni Ashley ang sarili na maiyak nang makaalis na si Mavy.

“I’m so happy and so grateful and so lucky na nakasama ko siya here sa loob ng house. First few days ko dito siyempre may mga adjustments na kailangan gawin," ayon sa aktres.

“I felt more comfortable because I know he’s here. I know he’s around. Masakit na umalis talaga siya dito,” patuloy niya.

Kabilang si Mavy sa mga host ng programa pero naging house guest bilang parusa nang mabigo sila ng kaniyang mga co-host sa kanilang task kasama sina Gabbi Garcia, Melai Cantiveros, at Alexa Ilacad.

Mapapanood ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” sa GMA Network tuwing 10 p.m. sa weekdays, at 6:15 p.m. sa weekends. — mula sa ulat ni Josiah Antonio/FRJ, GMA Integrated News