Nasawi ang isang motorcycle rider matapos pagbabarilin ng kapwa rider na kanyang hinabol sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Biyernes ng gabi.
Nagmalasakit lang ang 31-anyos na biktimang si Wilmer Zara na habulin ang salaring rider na tumakas nang sitahin ng tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanto ng Soliven Street.
Kita sa CCTV footage ang pagbagsak ng biktima sa kalsada.
Naisugod pa siya sa ospital pero kalaunan ay binawian ng buhay bunsod ng tama ng bala ng baril sa ulo.
Ang motorsiklo ng biktima ay tinangay ng salarin at inabandona ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng pamamaril.
Keyless ang motorsiklo kaya kusang huminto ito nang mapalayo sa main key.
Kuwento ng misis ng biktima, sinundo siya sa trabaho ni Wilmer sa Maynila at pauwi na sila noon sa kanilang bahay sa Rodriguez, Rizal.
Nakaugalian na raw nilang huminto sa Commonwealth Avenue corner Soliven Street para kumain at bumili ng mga pasalubong sa mga anak.
Napansin daw ni Wilmer na may pinapahintong motorcycle rider ang MMDA na nakatalaga sa lugar pero bigla itong tumakas.
“Nakita niya naman na walang gamit na motor 'yung MMDA. Siya po 'yung nag-volunteer na habulin 'yung naka-motor po na 'yon. Eh sinabi ko naman po sa kanya huwag na niya habulin kasi pauwi na po kami,” ani Leira Jane Zara, asawa ng biktima.
Halos apat na oras daw siyang naghintay dahil lahat ng kanyang gamit ay nasa motorsiklo ng mister.
Natunton at sinundo lang siya ng kanyang nanay kasama na ang isang pulis.
Hanggang ngayon, hirap pa rin ang mga kaanak na tanggapin ang sinapit ni Wilmer na naulila ang kanyang misis at dalawang anak.
“Sobrang hirap na sasabihin sa 'yo ng anak mo na gusto nilang katabi 'yung Daddy nila matulog. Lalo na po 'yung panganay ko po kasi halos siya pa lang po may isip eh. 'Yung anak ko, mag-two years old pa lang 'yung bunso,” dagdag ni Leira Jane.
Umaasa si Leira Jane na makakamit nila ang hustisya para kay Wilmer.
May panawagan siya sa salarin: “Sana kusa ka na lang sumuko kasi sobrang hirap sa amin na nagluluksa kami sa ginawa mo tapos ikaw hindi ko alam kung nakakatulog ka pa nang mahimbing.”
Masusing iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) ang krimen.
Nakikipag-ugnayan na raw sila sa MMDA.
Nagsasagawa na rin ng hot pursuit operation ang pulisya para matukoy at mahuli ang salarin.
“Patuloy pa rin po ang ating masusing pag-iimbestiga sa mga CCTV footage na magiging basehan natin. Ito 'yung ginagawa nating back tracking and forward tracking. Hindi po titigil ang QCPD hanggang hindi po naipagkakaloob ang hustisya rito sa biktima at sa kanyang pamilya,” ani Police Captain Febie Madrid, ang spokesperson ng QCPD. —KG, GMA Integrated News