Isang batang babae na 10-taong-gulang ang nakitang patay at hinihinalang ginahasa pa sa Lupi, Camarines Sur.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabing nakita ang biktima na walang saplot pang-ibaba at basag ang bungo sa masukal na bahagi sa Barangay Tanawan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nalaman na isinama ng lola ang biktima na magtinda ng gulay nitong Sabado, hanggang sa mawala ito.

Humingi naman ng tulong ang lola sa mga opisyal ng barangay para hanapin ang bata. Hanggang sa makita sa CCTV camera ang biktima na kasama ng isang "trolley" driver, o mga padyak sa riles, na sinasakyan ng mag-lola kapag magtitinda.

Nang arestuhin ang suspek, itinuro niya kung saan niya iniwan ang bangkay ng biktima na pinalo raw niya ng bato sa ulo.

Aalamin ng awtoridad kung ginahasa rin ng suspek ang biktima na sasampahan nila ng reklamong rape with homicide.

Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima, at maging ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News