Isang 22-anyos na babae na may kondisyon umano sa pag-iisip ang nasawi matapos siyang masagasaan ng dump truck sa Bulan, Sorsogon.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng awtoridad na naglaro ang biktima sa ilalim ng nakaparadang truck na malapit sa isang construction site sa Barangay San Ramon.
Nang umalis ng truck, hindi umano alam ng driver na nasa ilalim nito ang biktima kaya niya nasagasaan.
“Naglalaro, parang may kinuha at naglalaro doon sa ilalim ng dump truck. Nung umandar na po siya at di niya napansin ito. ‘Yun nga po, nagulungan,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Virgil Bibat, hepe ng Bulan Police Station.
Dinala ang biktima sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.
Sumuko naman sa pulisya ang driver pero hindi na siya sasampahan ng kaso ng pamilya ng biktima matapos silang makapag-usap.-- FRJ, GMA Integrated News