Nabuking ang nagaganap na bentahan umano ng ilegal na droga sa isang paupahan, na ipinadadaan umano sa mga delivery parcel sa Barangay E. Rodriguez sa Quezon City. Apat katao ang arestado.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood na aakalaing normal na parcel lang ang inaabot ng isang lalaki sa isang delivery rider sa harap ng kanilang apartment building.

Isa pang lalaki ang nakitang naghihintay sa tapat ng establisimyento, at inabutan din ng package.

Kalaunan, natuklasan ng mga awtoridad na ilegal na droga pala ang laman ng mga ito.

Nasamsam sa inuupahang unit ng 35-anyos na lalaki ang mga plastic bag at sachet ng shabu umano, na may halagang mahigit P6.8 milyon.

Sa iba pang mga pagkakataon, magkakasabay pa ang mga delivery rider sa pag-pick up ng parcel na naglalaman umano ng ilegal na droga.

Timbog ang lalaking umuupa sa unit samantalang pinaghahanap ang isa pa niyang kasabwat sa pagbebenta ng shabu.

"Mga naiwan lang po 'yan dito ng kaibigan po namin. Baka po kapag tinapon ko po 'yan magalit sa akin. Sinubukan kong gumamit po," sabi ng suspek.

Arestado ang tatlong iba pang kasama niya sa unit nang isagawa ang buy-bust.

"Kailangan ko lang po kasi ng pera, bibili ng gamot," sabi ng pangalawang suspek.

"Nadamay lang po talaga ako, kasi wala naman akong ideya na meron palang nagbebenta rito," sabi ng isa pang suspek.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang apat na arestado, na nasa kustodiya na ng PDEA. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News