Magsasama sa isang pelikula sina Paolo Contis at Beauty Gonzalez. Inanunsyo ito sa social media na may hashtag na "#BeautyContis."
Sa Instagram, nag-post ang Sparkle GMA Artist Center ng larawan nila Paolo at Beauty at inanunsyo ang gagawing proyekto ng dalawa.
"Ito na ang #BeautyContis. Get ready for an exciting new movie with Paolo Contis and Beauty Gonzalez. Stay tuned," saad sa caption.
Wala pang inihayag na titulo ng pelikula, o iba pang artistang makakasama nila, at maging kung sino ang direktor.
Napapanood ngayon si Paolo sa weekly gag show na "Bubble Gang," at kontrabida naman siya sa Kapuso primetime series na "Mga Batang Riles."
Kasama rin si Paolo sa pelikulang "Lost and Found" na ipalalabas ngayong taon.
Samantala, kasama naman si Beauty sa afternoon series na "Prinsesa ng City Jail," na kinabibilangan nina Sofia Pablo at Allen Ansay.—Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News