Pinapayagan na ngayon sa ilang lugar ang pag-e-ehersisyo ang mga tao basta hindi magkakatabi tulad ng tennis at pagtakbo. Pero dapat pa rin bang magsuot ng face mask kapag nag-e-ehersisyo?
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabing ipinayo ng World Health Organization (WHO), na huwag magsuot ng face mask kapag nag-e-ehersisyo dahil may kaakibat itong panganib.
Bukod umano sa mahihirapang huminga ang taong nag-e-ehersisyo kapag naka-face mask, maaari din umanong pamugaran ng mikropyo tulad ng virus ang face mask kapag nabasa ng pawis.
Nakasaad ito sa inilabas na na panuntunan ng WHO sa Facebook post kung papaano mapipigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Payo ng WHO sa mga nag-e-ehersisyo, lumayo ng isang metro sa bawat isa.--FRJ, GMA News